Parang sumasabay raw mga tropapips sa malamig na simoy ng Pasko ang mainit na simoy naman ng politika kahit sa 2025 pa ang mid-term elections.
Pero bago ang politika, pag-usapan muna natin ang kaperahan na hinihingi ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno para sa kani-kanilang pondo sa 2024.
Kung dati eh bida lagi sa mga budget hearing ang katagang “pork barrel” at “insertion”, ngayon naman eh bukang-bibig ang “confidential” fund. Kung tutuusin, hindi naman bago ang confidential fund kapag tinatalakay ng mga mambabatas ang taunang badyet ng gobyerno.
Iyon nga lang, kapag napag-usapan noon ang confidential fund, kakambal niya ang salitang “intelligence”. Karaniwan kasi na militar, pulisya, o law enforcement agencies, at Tanggapan ng Pangulo, lang ang humihingi niyan sa Kongreso.
Pero ngayon, aba’y pati ang mga sibilyan na ahensiya ng gobyerno eh humihirit na ng confidential funds, walang kasamang intelligence. Ang katwiran ng mga ahensiya, gagamitin daw nila ang pondo sa mga isyu na kailangan nilang “maniktik” o mayroon iimbestigahan.
Kung tutuusin, kung may isyung seguridad o may kalokohan na iimbestigahan ang ahensiya, puwede naman silang magpatulong sa mga pulis o iba pang may awtoridad. Pero gusto yata ng mga ahensiya na sila ang kikilos. Ganoon nga kaya iyon?
Hirit ng mga tropapips natin na ginagawang komiks ang paghimay sa badyet, hindi gaya ng ibang item sa badyet ng bawat ahensiya na madaling masisilip ng COA o Commission on Audit kung saan nila ginagamit ang pondo, ang “confidential” fund, hindi raw puwedeng obligahin ang ahensiya na i-flex kung saan niya inubos ang confidential fund niya.
Bakit hindi niya puwedeng obligahin? Hello, confidential nga eh.
Paniwala rin ng iba pa nating tropapips, importante sa mga namumuno sa mga ahensiya ang 2024 budget lalo na kung may ambisyon na tumakbo sa 2025 election. At siyempre, damay din diyan ang mga kongresista at mga reeleksyunistang senador.
Sa mga kongresista, ayon sa mga batikan nating tropapips, pagalingan na ang mga iyan sa pakikipag-usap sa mga lider ng iba’t ibang ahensiya (gaya raw ng Department of Health at Department of Public Works) para makasawsaw ng proyekto sa mga distrito nila.
Siyempre nga naman, ibibida nila sa mga constituent nila na sila ang nagpagawa niyan at nagpagamot diyan. Samantalang ang mga tatakbo namang senador sa mid-term elections sa May 2025, maghahatag naman ng mga proyekto o alokasyon sa mga lokal na pamahalaan para hindi sila makalimutan.
Ganoon din naman sa mga pinuno ng ahensiya na nagbabalak ding tumakbo sa May 2025. Kailangang makapagpakitang gilas na sila sa 2024 para magpabango sa mga tao at sa mga lokal na opisyal din.
At kahit ngayon pa lang, nakikita na rin ang pormahan ng ibang politiko sa mga naglalabasang photo ops nila. Ang iba diyan sabi ng ilang tropapips natin, pang-testing the water lang. Papakiramdaman ang magiging reaksyon ng mga tao.
Ang maganda raw abangan ay ang galaw ng isang papalaos na politiko na nagpapansin para hindi raw mawala sa radar ng politika at gustong pumormang may silbi pa siya. Tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.”