Umaabot sa 52 manggagawa ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Ministry of Social Services and Development (MSSD) Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang pinaniniwalaang nakaranas ng food poisoning matapos umanong makakain ng kontaminadong pagkain na inihanda sa isang staff development training Huwebes ng tanghali sa Cotabato City.
Ayon kay Bangsamoro Social Services Minister Raisa Jadjurie, nakaranas ang mga biktima pananakit ng tiyan, pagkahilo, pagsusuka at lagnat pagkatapos mananghalian sa nasabing pagtitipon.
Sinagot na rin ng grupo ni Jadjurie ang mga bayarin sa ospital kung saan ayon sa ibinigay nitong impormasyon ay nakalabas na rin halos lahat maliban sa isang babae na hanggang ngayon ay nakaratay pa sa isang pagamutan.
Nabatid na dumalo ang naturang mga kawani sa ‘staff development training’ na isinagawa ng MSSD sa isang hotel sa lungsod kung saan naganap ang umano’y food poisoning.
Hindi naman binanggit kung ano-ano ang mga pagkain na nakaapekto sa mga biktima at kung anong hotel ang pinagdausan ng nasabing event sa pakiuasp na rin umano ni Jadjurie.
Sa ngayon ay nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Cotabato City Health Office hinggil sa insidente. (Edwin Balasa)