Naaresto na kahapon ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa Paranaque City ang anim na suspek sa kidnapping at serious illegal detention ng anim na sabungero na iniulat na nawawala noong Enero 13, 2022 sa Manila Cockpit Arena.
Ayon kay PNP chief General Benjamin Acorda Jr., ala-1:45 ng hapon kahapon nang madakip ng CIDG Region 4A ang mga suspek na sina Julie Patidongan alyas DonDon na nadakip sa Jackilou Village, Paranaque City; Mark Carlo Zabala; Virgilio Bayog; Roberto Matillano Jr., Johnry Consolacion at Gleer Codilla, na nadakip naman sa Fortunata Village sa nasabi ring lungsod.
Samantala dalawa pa ang dinakip dahil naman sa obstruction of justice habang nagsisilbi ng warrant of arrest ang pulisya sa Fortunata Village na nakilalang sina Melchor Neri, 46, at Victorino Jocosol, 37.
Ayon kay Acorda, ang pagdakip sa anim ay base sa bisa ng warrant of arrest sa kasong kidnapping at illegal detention na inilabas ni Hon. Rebecca Austria Guillen-Ubana, Presiding Judge ng Regional Trial Court Branch 40, na may petsang Enero 24, 2023 at walang kaukulang piyansang nakalaan sa grupo.
Kinilala naman ang mga biktimang sabungero na sina James Baccay; Marlon Baccay; Rondel Cristorum; Mark Joseph Velasco; John Claude Venson Inonog at Rowel Gomez.
Ang insidente ay nag-viral sa social media matapos humingi ng tulong ang pamilya ng mga biktima hinggil sa pagdukot sa kanilang mga kaanak at nawawala mula pa noong Abril 2021.
Sa panayam naman kay Col. Jack Malinao, CIDG chief ng Regional Field Unit 4A, matapos malaman ang pangyayari ay agad nagsagawa ng Special Investigation Task Group Sabungero ang CIDG.
Matapos ang pagpapakalat ng mga tracker teams para magsagawa ng profiling at intelligence gatherings ay na-trace ng CIDG ang mga suspek.
“Initially based on our assessment safe house ito nila and based on our previous intelligence activities they have been transferring from different places kaya it is a very challenging activity that’s why nagkaroon kami ng break. We were able to have established talaga just 3 days ago kaya natunton namin. A lot of confirmatory activities nagawa namin,” saad ni Malinao. (Edwin Balasa)