Ipinagdiriwang ng Simbahan tuwing Setyembre 15 ang Pista ng ‘Mater Dolorosa’ o Mahal na Ina ng Hapis. Matapos pagnilayan ang kahulugan ng Banal na Krus sa buhay-Kristiyano, itinutuon naman ng Iglesya pansin kay Santa Maria sa bundok ng Kalbaryo partikular sa pagninilay ng Kanyang Pitong Hapis Ina ng Manunubos.
Ang ‘Siete Dolores’ ng Mahal na Birhen ay ipinagdiriwang na mula pa nông ikalabinglimang dantaon. Ang mga Paring Servita, sa kasaysayan, ang unang nagbigay-pugay sa Mahal na Ina ng Hapis gamit ang nasabing titulo noong 1688. Si San Pio VII naman ang nag-utos na ipagdiwang ang Pista ng Mater Dolorosasa buong mundo tuwing Setyembre 15.
Binibigyang-diin sa Pista ng Ina ng Hapis ang pakikiisa ni Maria sa paghihirap ng Panginoong HesuKristo, higit lahat sa Kanyang sakripisyo sa Krus. Giit ng Simbahan, “no human being has ever been closer to Jesus than Mary.”
Sa tradisyon, pito ang naitalang hapis ng Birhen: (1) ang hula ni Propeta Simeon na tatagos sa push ni Maria ang isang balaraw, (2) ang pagtakas ng Banal na Mag-anak sa Ehipto, (3) ang pagkawala ni Hesus sa Templo, (4) ang pagkasalubong sa Kanyang Anak na nagpapasan ng Krus sa lansangan ng Jerusalem, (5) ang pagkamatay ni Hesus sa krus, (6) ang pagkababa ng bangkay ni Hesus sa krus, at (7) ang pagkalibing kay Hesus.
Diin ng Iglesya, “No one has ever participated more intimately and intensely in the redemptive suffering of Jesus than Mary.” ‘Ina ng Hapis’ si Maria dahil tinanggap at tiniis nito ang lahat ng hirap nang may lubos na tiwala sa kalooban ng Diyos alang-alang sa sangkatauhan.
Ang ibinigay na ‘Oo’ ni Maria ay namalas sa lahat ng yugto ng Kanyang buhay at naging ganap sa Kalbaryo. Nakiisa siya sa sakripisyo ng Kanyang minamahal na Anak hanggang sa huli. Puna ng Simbahan, “We will never entirely comprehend Mary’s immense love for Jesus her Son.”
Wagas na pag-ibig ang nagpahintulot kay Maria manatili sa tabi ng Kanyang naghihirap at naghihingalong Anak sa Krus. Paalala ng Simbahan, hindi kailanman dapat kalimutan na ang ating mga kasalanan ang dahilan ng pagdurusa ni Hesus.
Malaking biyaya ng Langit ang matanto sa araw ng paggunitang ito ang dulot ng ating pagkakasala sa Banal na Puso ni Hesus at Maria. Angkop, kung gayon na hilingin sa Mahal na Ina ng Hapis na ituro sa atin ang landas ng totoong pagsisisi.
Nawa, sa ating pagdiriwang ng Pista ng Mahal na Ina ng Hapis matutunan nating tanggapin ang anumang kasalukuyan at darating pang mga paghihirap sa ating buhay bilang paraan ng paglilinis at pagpapangindapat sa atin ng Diyos.
Batid ni Maria ang ating mga pinagdaraang hirap at hapis. Nawa maging mulat din tayo sa pagtitiis at dusa ng kapwa upang sila’y mahandugan natin ng pag-asa at posibleng tulong. Nawa matutunan nating tiisin anumang pasakit nang may tiyaga at pananalig.
Maria, Mater Dolorosa, Ipanalanging Mo kami!