WebClick Tracer

METRO

3 negosyante sa Divisoria timbog sa pekeng produkto 

Suwak sa ilang taong pagkakulong at malaking multa ang tatlong retailers sa magkakaibang tindahan sa Binondo, Maynila dahil sa pagbebenta umano ng mga pekeng pandikit na nagtataglay ng brand na “Super Vulcaseal Elastomeric Sealants.”

Sa magkakahiwalay na resolusyon ng Office of the City Prosecutor – Manila, sinabi ng piskal na may sapat na basehan para sampahan ang mga may-ari ng tindahan sa loob ng Divisoria shoppings malls ng trademark infringement case o pagbebenta ng mga pekeng produkto ng Bostik Philippines, Inc. gaya ng Super Vulcaseal Elastomeric Sealants.

Sa ilalim ng Intellectual Property Code, maaaring patawan ng dalawang taon hanggang limang taong pagkakabilanggo at multa na P200,000 hanggang P500,000 ang sinumang mapapatunayan ng korte ng lumabag sa trademark infringement law.

“Nalulugod kami sa nangyari at nag-uumapaw ang aming pasasalamat sa aming mga customers na sila pang nagsumbong sa amin na kumakalat na pala ang mga pekeng produkto sa Binondo gamit ang aming pangalan at brand,” anang Bostik.

Nauna nang humingi ng saklolo ang Bostik sa National Bureau of Investigation (NBI) upang i-surveillance ang tatlong tindahan makaraang mapag-alaman ng kumpanya na may binebenta ang mga ito na mga counterfeit Bostik products.

Agad-agad na nagkasa ang NBI ng magkakasunod na surveillance operations mula noong Marso kung saan bumili ng produkto ang mga operatiba sa mga target na tindahan.

Matapos ang test buy, dinala ang mga produkto sa laboratoryo ng Bostik at dito na nga naberepika na peke ang mga ito.

“Hindi kami titigil sa aming kampanya laban sa mga gumagawa ng mga counterfeit Bostik products at sinisigurado namin na malilipol at mapapanagot sa batas ang sinumang indibidwal at grupo na sumasira sa aming pangalan, tatak, at reputasyon na aming pinakakaiingatan sa loob ng napakaraming taon,” giit ng Bostik.

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on