Timbog ang isang Chinese national at kasabwat niyang babae matapos salakayin ng mga operatiba ng Southern Police District (SPD) ang isang prostitution ring sa Parañaque City.
Base sa ulat ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Brig. Gen. Jose Melencio Nartatez nitong Linggo, Setyembre 17, kinilala ang Chinese national na si Xiao Ji at ang kanyang kasamang Pinay na si Arlene Lapurga Geron, 48-anyos.
Inaresto ng mga pulis ang dalawang suspek matapos ipatupad ang search warrant sa Solemare Parksuites sa Barangay Tambo noong Sabado, Setyembre 16.
Na-rescue naman ang pito pang Chinese national at isang Pinay sa isinagawang police operation, sabi ni Nartatez.
Biktima umano ang mga na-rescue na Chinese at Pinay ng human trafficking at ibinubugaw sa mga high-end hotel, casino at iba’t ibang club sa Parañaque.
May isa pang suspek na Chinese national din na kinilala sa pangalang Lin Wei ang nagawa umanong makatakas kung kaya’t pinaghahanap pa ito ngayon.
Nakasamsam din ang mga pulis ng ilang baril, mga laptop at hindi binanggit na kabuuang halaga ng pera.
Ayon sa NCRPO, sasampahan ang mga nasakoteng suspek ng mga kasong paglabag sa Expanded Anti-Trafficking in Persons Act at Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.