“If you give me rice, I’ll eat today; if you teach me how to grow rice, I’ll eat every day.”
> Mahatma Gandhi
Sabi nga ng matatanda, sa bawat problema, huwag kang parang pupulot ng bato na ipupukpok mo sa iyong ulo.
Halos higit isang linggo na matapos na ipalabas ni Pangulong Bongbong Marcos ang Executive Order 39 na maglagay ng price cap sa bigas – p41 sa regular milled rice at p45 sa well milled rice , mas lalong dumami ang problema kaysa solusyon .
Ang pagnanais na maibaba ang presyo ng bigas sa pamilihan ay hindi naging matagumpay dahil ayon sa mga retailer malulugi sila . Maraming palengke ang wala ring mabilhan ng p41 at p45 .
Hanap patay imbes na hanap buhay .
Kaya muli ang naging solusyon – p2 bilyong pisong ayuda mula sa Kongreso at p15 libong tulong mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) . Puwera pa ang iba’t ibang tulong mula sa lokal na pamahalaan , tulad ng di pagbabayad ng renta sa kanilang puwesto .
Ayon sa ilang pag-aaral , walang buting maidudulot kapag ang gobyerno ay nakialam sa normal na takbo ng negosyo , maliban lamang kung sa panahon ng kagipitan .
Sayang ang perang pinamudmod sa mga retailer na ang tingin nga ng gobyerno ay nananamantala o nagdidikta ng presyo ng bigas sa merkado .
Para sa gobyerno , hindi dapat mataas ang presyo ng bigas dahil wala namang kakulangan sa suplay ng bigas .
Bakit hindi paghuhulihin ang mga hoarder at manipulator ? Anong saysay ng EO 39 kung wala ring mabili na murang bigas ang mahihirap nating mamamayan ?
Sino ba ang matalinong naghimok kay BBM na magpatupad ng price cap sa bigas ? Bakit na-atsapuwera ang economic team ng gobyerno sa desisyong ito ?
Ang buhusan dapat ng malaking ayuda ay ang magsasaka . Kapag bumaha ng produkto sa merkado , bababa ang presyo nito .
Simpleng Law of Supply and Demand ika nga , sabi ng napilitang magbitiw na DOF Usec. Cielo Magno dahil sa FB post niya sa price cap.
Ang dapat magpatupad ng price cap ay sa corruption sa gobyerno . Masyadong mataas ang 30% na kickback , tongpats , komisyon sa bawat proyekto ng gobyerno .
Enough is enough !!!
Walang Personalan .