Mahigit sa P80,000 halaga ng high grade marijuana o kush ang nasamsam sa isang inabandonang belt bag sa loob ng kilalang fast food chain sa Quezon City.
Ayon kay P/Lt. Col. Robert Amoranto, hepe ng Quezon City Police District (QCPD), Kamuning Police Station (PS 10), nadiskubre ang 101 gramo ng kush sa abandonadong belt bag sa loob ng Chowking fast food chain sa Casa Bldg., Quezon Ave., sa kanto ng Roces Ave., Barangay Paligsahan, Quezon City, bandang alas-sais ng umaga noong Setyembre 15.
Sa naantalang ulat, nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng PS 10 mula kay Justine Hazel Plaza, manager ng nasabing food chain tungkol sa iniwang belt bag na naglalaman umano ng ilegal na droga.
Kinumpirma ng mga ito na naglalaman ng nasa 56 gramo ng high grade marijuana o kush na nagkakahalaga ng P78,400 at 45 gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng P5,400.00.
Ipinadala ang mga narekober na droga sa QCPD Forensic Unit para sa kaukulang disposisyon.
“Patuloy ang ating mahigpit na kampanya laban sa ilegal na droga at kriminalidad kung kaya malaking tulong sa ating mga pulis ang mga impormasyong ibinibigay ng ating mga kababayan. Muli, hinihingi ko ang patuloy na kooperasyon ng publiko na i-report agad ang mga kahina-hinalang bagay at mga ilegal na gawain sa inyong mga lugar,” pahayag ni QCPD Director, P/BGen. Redrico A Maranan.(Dolly Cabreza)