Tatlong katao ang nasawi nang magsalpukan ang dalawang motorsiklo sa pakurbang kalsada sa bayan ng Balamban, Cebu noong Linggo.
Pawang idineklarang dead on arrival sa Balamban District Hospital ang mga biktimang sina George Untala, 54, ng BF Homes Paranaque City; Dominador Bragat, 34, at live-in partner nitong si Kate Ponce, kapwa residente ng Villa Kalubihan, Barangay Basak San Nicolas, Cebu City.
Sa ulat ni Police Lt. Col. Glenn Hife, hepe ng Balamban Police Station, nangyari ang insidente sa kahabaan ng Transcentral highway sa Barangay Gaas ng bayang ito bandang alas 10:19 nang umaga.
Magkasalubong umanong binabagtas ng dalawang motorsiklo ang nasabing kalsada at pagdating sa pakurbang bahagi nito ay sinubukan ni Untalan na mag-overtake sa isang sasakyan na nasa kanyang unahan, dahilan upang sakupin nito ang kabilang kalsada at makasalpukan niya ang motorsiklong minamaneho ni Bragat.
Sa lakas ng banggaan, tumilapon ang mga sakay ng dalawang motorsiklo kung saan bumagsak sa isang kanal ilang metro ang layo mula sa pinangyarihan ng aksidente si Untalan habang ang mag live-in partner naman ay bumagsak sa sementadong kalsada.
Mabilis naman ang responde ng mga awtoridad at dinala sa ospital ang mga ito pero idineklara silang dead on arrival dahil sa tinamong mga pinsala sa ulo at katawan.(Edwin Balasa)