WebClick Tracer

METRO

Mga killer ng abogada buking sa CCTV

Tukoy na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang riding in tandem na bumaril at pumatay sa isang abogada sa harap ng kanyang bahay sa Bangued, Abra noong Huwebes.

Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, nakita sa CCTV footage ang dalawang lalaking magka-angkas sa motorsiklo kung saan isa ang naglakad, lumapit at bumaril sa biktimang si Atty. Maria Saniata Liwliwa Gonzales Alzate habang nagpaparada ito ng kanyang puting Mitsubishi Mirage G$ sedan sa harap ng kanilang bahay sa Santiago st., Zone 3, Bangued, Abra bandang alas 4:55 nang hapon noong Setyembre 14.

Pagkatapos nito ay tumakbo ang gunman na nakasuot ng gray na polo at itim na sombrero sa naghihintay niyang kasabwat. Bago tuluyang tumakas, pinaputukan uli ng mga suspek ang biktima. Sa ulat, walong beses binaril ng mga suspek si Alzate.

Isinugod sa Dr. Petronilo V. Seares Sr. Memorial Hospital ang biktima pero binawian din ito ng buhay.

“We already have a suspect and the NBI is already on top of this.We are also in contact with her husband. The NBI is leading the charge on this investigation. They’ve combed through all available CCTV footage,’ ani Remulla.

Si Alzate ay dating presidente ng Abra chapter ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) at IBP Commissioner ng Bar Discipline mula noong 2015.

Asawa siya ni dating acting presiding judge Raphiel F. Alzate ng Regional Trial Court Branch 24 sa Cabugao, Ilocos Sur at RTC Branch 58 sa Bucay, Abra.

Samantala, kinondena ng IBP ang pamamaslang sa abogada. ‘There is no place, nor can there be any tolerance, for those who would assail those dedicated to upholding the legal profession and cause of justice,” diin ng IBP.

Bago siya pinaslang, nagbigay pa ng serbisyong legal si Alzate sa isang biktima ng umano’y illegal arrest, detention at torture ng ilang pulis sa lalawigan noong Enero. (Juliet de Loza-Cudia)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on