Nagmistulang rockstar si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos dumugin ng mga overseas Filipino worker (OFW) na kanyang sinorpresa sa isang mall sa Singapore nitong Linggo ng tanghali, Setyembre 17.
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), nagtungo ang Pangulo sa sa Lucky Plaza Mall sa kahabaan ng Orchard Road kung saan maraming Pinoy ang tumatambay kapag day-off ng mga ito.
Hindi umano maitago ng mga OFW ang kanilang kasiyahan nang makita ng personal si Pangulong Marcos at sinadya sila.
“Happy po kami dahil nakita namin ng personal ang Presidente,” wika ng isang OFW.
Inihayag ng mga OFW ang patuloy na suporta kay Pangulong Marcos at hangad na magtuloy-tuloy ang pagbabago sa bansa.
Nagpasalamat naman ang ibang OFW dahil hindi sila nakakalimutan ng Pangulo at hangad ang maayos na kalusugan nito at ang pag-angat ng ekonomiya. (Aileen Taliping/Prince Golez)