Hinihiling ng isang commuter advocacy group sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na isapubliko ang liquidation report tungkol sa P3 bilyong fuel subsidy na dapat ipinamahagi sa mga tsuper at operator ng public utility vehicle (PUV).
Ang ayuda sa mga drayber at operator ay higit na maliit sa P10.14 bilyong confidential fund na hinihingi ng administrasyon para sa 2024.
Sabi ni The Passenger Forum convenor Primo Morillo, layunin ng mga ayuda na ito ay maibsan ang epekto ng patuloy na taas-presyo ng petrolyo sa sektor ng transportasyon para maawat ang pagtaas ng pasahe sa mga pampublikong sasakyan.
Kung talagang naipamahagi na umano ang ayuda na sasalag dapat sa taas-pasahe, hindi maintindihan ni Morillo kung bakit naman nagsabi si LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III na aaprubahan na umano ang mga petisyon para sa dagdag-pasahe.
“They should explain first how the P3 billion was spent. Malaking pera ang tatlong bilyong piso. Dapat ipaliwanag muna ito ng LTFRB,” giit ni Morillo.
Batay umano sa survey na ginawa ng grupo ni Morillo sa mga pasahero ng dyip mula Setyembre 16 hanggang 17, nasa 71 porsiyento ang nagsabing tutol sila sa taas-pasahe dahil wala na silang badyet para dito.
Sabi ni Morillo, walang kaduda-duda na hindi na kakayanin ng mga tao kung dadagdag pa sa pagtaas ng mga bilihin pati ang pamasahe kaya’t matagal na nilang isinusulong sa pamahalaan na maghanap ng ibang solusyon para tuloy-tuloy ang ayuda sa mga PUV.
Matatandaang noong nagdaang linggo ay sinabi ng LTFRB chief na asahan na umano ang dagdag-pasahe sa mga PUV bago matapos ang 2023.
Subalit ipapaubaya umano ng LTFRB sa National Economic and Development Authority (NEDA) ang pag-aaral kung magkano ang dapat aprubahan na dagdag-pasahe upang maiwasang maging sanhi ito nang pagsipa ng inflation rate.
(Eileen Mencias)