WebClick Tracer

OPINION

Marami ang kumikita sa ‘parking’

Dahil masikip na ang Metro Manila resulta ng maraming sasakyan – luma at bago – ang mga ahensiya ng gobyerno na tulad ng MMDA, mga LGUs at maging DPWH ay may mga programa para maging maayos ang daloy ng trapiko sa National Capital Region.

Nariyan ang ‘no parking zone’ sa mga Mabuhay Lane, ipinatupad ang ‘one-way scheme,’ nariyan din ang “one-sided parking,” at number coding, maliban pa sa ‘regular clearing operations,’ masiguro lamang ang pagkakaroon ng maayos at ligtas na kalsada para sa publiko.

Maliban sa pagkakaroon ng mga ‘pay parking area,‘ ang mga LGUs ay naglaan din ng ‘designated free parking,’ subali’t, hindi naman nasusunod dahil ang mga establisimiyentong na nasa harap nito – publiko man o pribado – ay itinuring ng pag-aari ang espasyo.

Pinagmumulan ito ng pagtatalo na magkaminsan ay humahantong sa sakitan dahil lamang sa parking.

Samantala, sa Ombudsman ay mayroon din palang ‘parking fee.’

Sa pagdinig ng House Committee on Appropriations para sa taunang pondo ng ahensiya, inamin mismo ni Ombudsman Samuel Martires na ng umupo siya bilang Ombudsman narinig na niya ang katagang ‘parking fee.’

Agad pinaimbentaryo ni Martires ang lahat ng mga kaso lalo na `yong mga nasa preliminary investigation o fact-finding pa lamang.

Dito nalaman ni Ombudsman Martires na mayroon palang mga nakatago o itinagong mga kaso, kung kaya’t walang development o walang pag-usad.

Naka-‘parking’ at hindi talaga gagalaw.

Hindi direktang binanggit ni Martires kung may naganap na bayaran, pero sinabi niya na hindi maiiwasang magduda ang publiko na may milagrong nangyayari.

Nabisto rin sa pagdinig ang ilang modus para mapatagal ang kaso lalo na sa pagsasagawa ng preliminary investigation.

Ayon kay Ombudsman Martires ang istilo ng paglipat-lipat ng pagdinig ay isang paraan para tumagal ang imbestigasyon sa kaso.

Subali’t siniguro naman ni Martires na unti-unti ng nalulutas ang usapin ng `parking fee’ sa Ombudsman dahil sa repormang kanyang ipinatutupad.

Kung ito’y nangyari sa Ombudsman, posible rin kaya ang pagkakaroon ng ‘parking fee’ sa iba pang sangay ng gobyerno na kapareho ang function o mandato tulad ng sa Ombudsman?

Nagtatanong lang po.

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on