WebClick Tracer

NEWS

Romualdez nagbabala sa mga oil firm vs taas-presyo

Umapela si Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa mga kompanya ng langis na makibahagi sa pasanin ng walang tigil na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa pamamagitan na pagbabawas ng kanilang kita o profit margin.

Ginawa ni Romualdez ang apela sa ipinatawag na consultative meeting sa Batasang Pambansa sa Quezon City nitong Lunes, Setyembre 18, kasama ang ilang miyembro ng Kamara sa mga kinatawan ng mga kompanya ng langis at mga opisyal ng Department of Energy (DOE).

May himig pa ng babala ang pahayag ni Romualdez sa mga kompanya ng langis.

“If you are part of the solution, Congress will be very appreciative and supportive of you. But if you are part of the problem, we might have to undertake measures that would be unpalatable to you. I hope we can work together to help our people,” apela ni Romualdez.

Partikular na iminungkahi ni Romualdez sa mga kompanya ng langis ay bawasan ang kanilang kita o profit margin na makatutulong upang mabawasan ang presyo ng langis.

Tiniyak naman ng mga kinatawan ng kompanya ng langis na makakarating sa kanilang mga principal ang naturang mungkahi ni Romualdez.

Siniguro naman ni Romualdez sa mga stakeholder sa industriya ng langis na bukas ang Kamara na pakinggan ang iba pang alternatibong opsyon upang tugunan ang walang tigil na pagtaas ng presyo ng langis kabilang na rin dito ang posibleng adjustment sa buwis at maging ang panukalang repasuhin ang Republic Act No. 8479 o Downstream Oil Industry Deregulation Act.

Dumalo sa pulong ang mga opisyal ng DOE sa pangunguna ni Undersecretary Sharon Garin, at mga kinatawan ng Petron, Pilipinas Shell, Independent Philippine Petroleum Companies Association, Chevron Philippines, Philippine Institute of Petroleum, Flying V, at Total Philippines. (Eralyn Prado/Billy Begas)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on