Sino raw itong miyembro ng Senado na parang showbiz ang buhay dahil sa itinatagong anak sa isang artistang may edad na subalit may asim pa?
Ayon sa impormasyong nakalap ni Mang Teban, masyado raw malihim itong senador tungkol sa kanyang pamilya dahil hindi nito binabalandra sa publiko ang kanyang asawa at mga anak.
Kaya naman pati na ang anak sa labas ng mambabatas, hindi rin alam pati mga kaibigan ng pamilya.
Eh paano ba naman kasi, wala sa imahen ng senador ang maging babaero. Kumbaga, parang palagi siyang seryoso kapag nasa harap ng publiko. `Yun pala, nasa loob din pala ang kulo nito.
Ang kuwento, nabingwit ng senador itong artista noong bata pa siya. Palibhasa ay uragon, hayun at lumobo ang tiyan ng aktres. Panay siguro ang twerk ng aktres kaya nademonyo itong politiko.
Pero dahil sa may asawa na itong lalaki, itinago ng senador ang kanyang anak sa showbiz personality.
Tulad ng kasabihang walang sikretong hindi nabubunyag, nalaman din ito ng ilang kaibigan ng pamilya.
Kumanta kasi ang kanang kamay ng senador na business partner din ng pamilya hinggil sa anak sa labas ng mambabatas. Malamang na sumabak sa walwalan itong business partner kaya noong nalasing, kumanta sa anak ng senador sa isang artista.
Tumatanda na rin itong aktres at marami na ring tsikiting pero kahit malapit na itong mag-50 anyos, marami pa rin ang naglalaway dito dahil may asim pa.
Clue: Ang senador na may anak sa isang artista ay mahilig manood ng mga babaeng sumasayaw.