ISA ang todas habang apat ang malubhang nasugatan natapos silang mahagip ng kidlat habang nag-iinuman sa isang kubo sa Sitio Cadalayapan, Barangay Nagpatpatan, Solsona, Ilocos Norte, Linggo ng hapon.
Kinilala ng Solsona Police Station (SPS) ang namatay na si Bong Valera, ng Barangay Catangraran, ng nasabing bayan. Ang mga sugatan naman ay sina Melencio Juan; Vick Malaqui; Orlinio Tamayo at Roberto Balisacan, lahat ng nasabing bayan.
Sa report ng SPS, naganap ang insidente alas-2:03 ng hapon.
Napag-alaman na nag-iinuman at nagsusugal umano ang mga biktima sa kasagsagan ng ulan nang biglang kumidlat at tinamaan ang kanilang kubo. Nahagip ang mga biktima at napuruhan si Valera.
Ang apat na sugatan ay patuloy na ginagamot sa Solsona Regional Health Office. (Allan Bergonia)