Inihayag ni Commission on Higher Education (CHED) chairperson Prospero De Vera III na puwede nang mag-aral ang mga Chinese students sa may 10 unibersidad sa bansa.
Ayon kay De Vera, ito ay matapos na lumagda ang mga unibersidad ng kasunduan sa ilang Chinese universities upang tanggapin ang mga Chinese students na nais mag-aral sa Pilipinas.
Ang paglagda ng kasunduan ay sinaksihan mismo ni De Vera sa isang special session sa mga minister ng edukasyon na dumalo sa China-ASEAN Cooperation Week na idinaos kamakailan sa Guiyang Province sa China.
Sinabi ni De Vera, patok na patok at maraming Chinese students ang gustong mag-aral sa bansa dahil bukod sa de-kalidad at abot-kaya ang edukasyon, ay Ingles pa ang paraan na ginagamit sa pagtuturo.
Aniya, ito ay reyalisasyon nang ginawang pagbisita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa China sa unang bahagi ng taon, kung saan nabigyang pokus aniya ang kahalagahan ng higher education.
Dagdag pa ng opisyal, mayroon na ring memorandum of agreement sa pagitan ng CHED at ng ministry of China hinggil rito noong 2019, na siya aniyang ipinatutupad nila sa ngayon.
(Dolly ¬Cabreza)