Sa vlog ng mag-asawang Mikael Daez at Megan Young, naging panauhin nila ang Kapuso Primetime King na si Dingdong Dantes.
Ani Dingdong, napakalaki raw ng impluwensiya sa kanya ng mag-asawa.
Kasama kasi ng actor at TV host ang dalawa sa seryeng “Royal Blood.”
Isa raw sa naging bonding moment nila ay tungkol sa usapang kape.
Katunayan, ayon kay Dingdong, ang mag-asawa raw ang nag-introduce sa kanya tungkol sa mga kape.
Hirit naman ni Megan na isang heavy coffee drinker, inaanak na raw nila si Dingdong pagdating sa kape dahil siya ang nagbinyag dito.
Sey naman ni Dingdong, marami raw siyang natutunan sa iba’t-ibang uri ng kape kasama na ang paggawa ng kanyang sariling coffee drink sa beauty queen at sa mister nito.
Hindi raw kumpleto ang umaga niya kapag hindi siya nakakatikim ng paborito niyang inumin.
Sa naturang tsikahan, ibinuking din ng mag-asawa na isa palang kolektor ng mga espada ang actor.
Lahad naman ni Dingdong, na-develop daw ang fascination niya sa mga espada noong binata pa siya.
Dahil isang movie buff, meron rin daw siyang koleksyon ng mga espada na ginamit sa “Lord of the Rings” at iba pang movies.
Mahilig din daw siyang mangulekta ng mga memorabilia tulad ng mga ginamit sa mga pelikula ng Marvel superheroes.
May costume din daw siya ng bat suit noon ni Batman dahil fan siya ng acclaimed Hollywood director na si Christopher Nolan.
Sa ngayon, aminado siyang kinakalawang na raw ang kanyang mga espada na nakaimbak lamang sa kanyang pad.
Aniya, ipinahiram nga raw niya ito sa produksyon para magamit nila sa serye.
Sey pa niya, hindi raw niya maiiuuwi sa bahay nila ni Marian ang kanyang koleksyon dahil baka umalma ito lalo pa’t metikolosa ang misis pagdating sa kaayusan.
Nag-suggest naman ang mag-asawa na maghanap na lang siya ng buyers lalo pa’t masasabing collectors’ items ang kanyang mga naipundar. (Archie Liao)