Mga laro ngayon
(Paco Arena-Manila)
10 am – UE vs CSB (W)
12 nn – FEU vs UPHSD (W)
2 pm – DLSU vs ADMU (M)
4 pm – UST vs FEU (M)
Huhugot ng puwersa ang College of Saint Benilde kina Jhasmine Gayle Pascual at Jade Gentapa pagharap sa University of the East sa 2nd V-League Women’s Collegiate Challenge best-of-3 semis Game 1 ngayon (Miyerkoles sa Paco Arena sa Manila.
Tinapos ng Lady Blazers ang eight-team single round robin sa 6-1 win-loss record para mag-No. 2 at kalabanan ang No. 3 Lady Warriors (5-2) sa paliga ng Sports Vision Managament Group, Inc.
Patok sa alas-10:00 ng umagang salpukan ang Taft-based squad sa mga balibolista ng Recto na sinubsob nila sa elims noong Sept. 10 sa four-set sa likod ng pasabog na pinagsamang 43 points nina Pascual (23) at Gentapa (20).
Kakapitan din ng CSB sina Michelle Gamit, Zamantha Nolasco at Cloanne Mondonedo sa kaganapang mga hatid ng Bola.TV, Beyond Active Wear at Mikasa.
Paniguradong mapapalaban ng todo ang Lady Blazers dahil buo rin ang loob ng Lady Warriors. Ang dalawang nabanggit na teams ay parehong ina-angklahan ni coach Jerry Yee.
Rarampa sa UE sina Casiey Dongalo at Kaycen Balingit para masikwat ang unang panalo at mamuro sa finals.
Maghaharap din sa alas-12 ng tanghali ang top seed Far Eastern University at No. 4 University of Perpetual Help System DALTA. (Elech Dawa)