Bumida rin si Air Force cadet Glyzzel Anne Monsanto sa women’s 100-meter dash sa diskarteng pagkalas agad para sa mabungang kampanya, naging unang triple gold medalist sa 1st Philippine ROTC Games Luzon leg Martes sa Cavite State University track oval sa Indang.
Namayagpag siya sa oras na 14.0 seconds, halos apat na segundong panalo kay teammate Hannah Trisha Viloria (16.1), sa 1-2 pagwalis ng mga bet ng Fullbright College sa Puerto Princesa, Palawan sa palaro na mga inoorganisa ng Department of National Defense at ng Commission on Higher Education.
Napagwagian nitong Lunes ng dating long jump at triple jump specialist ang women’s 200-meter (28.6), at giniyahan ang Fullbright quartet kasama sina Viloria, Hazel Gerelina Anas at Jean Claire Agawin sa tagumpay sa women’s 4×100-meter relay (1:01.2).
Humati sa kinang sina Army cadet at University of Baguio student Jesylmay Licup sa pagkumpleto sa panalo sa sprint double, kinopo sa pagkakataong ito ang women’s century dash sa 13.2 clockings para sa ikalawa niyang ginto sa kagapang sportado ng Philippine Sports Commission at ng isang senador.
Sumama sa mga multiple gold medalists si Air Force cadet James Borja ng Quirino State University sa men’s 100m para sa ikalawa rin niya pagkaraang ihatid ang QSU sa trono ng men’s 4×100-meter relays (53.2) Lunes din.
“Hindi ko inaakala na mananalo ako ng three gold kasi huminto ako sa paglalaro during the pandemic at ngayon lang nakabalik. Hindi rin ito ang mga regular event ko tapos Fullbright College is not known for joining competitions so masaya ako,” litanya ni Monsanto, 22, na fourth year BS Education student. (Abante TONITE Sports)