WebClick Tracer

SPORTS

Khylem Progella, Grydelle Matibag kinaldag ang HK

Bumalikwas sa mabagal na simula sina Khyle Harl Progella at Grydelle Joanice Matibag upang lusutan ng national team ang Hong Kong, 17-21, 23-21, 15-13, sa sambulat ng 19th Asian Games 2022 women’s beach volleyball Martes sa Ningbo Banbianshan Beach Volleyball Centre sa Xiangshan, Zhejiang, China

Kinailangan ng Pinay tandem na parehong tubong Cebu at mga pambato ng University of Santo Tomas ang 58 minuto upang maiwaksi sina To Wing Tung at Wong Man Ching sa Pool B ng preliminaries.

Nakahambalang ngayon (Miyerkoles) kina Progella at Matibag sina Dhita Juliana at Desi Ratnasari ng Indonesia.

Unang pagsabak ito ng bansa sa event makaraang pumampito sina Fil-Ams Heidi Ilustre at Diane Pascua sa 2006 Doha Asiad.

Nakatakda pang sumalang ang isa pang pares ng Philippine National Volleyball Federation na suportado rin ng Philippine Sports Comission na sina Floremel Rodriguez/Genesa Esplador sa Pool F laban kina Jieun Shin/Seyeon Kim ng South Korea.

Sa men’s side Pool B rin, olats naman sina Ran Abdilla at Jaron Requinton kina Indonesians Danangsya Pribadi at Sofyan Efendi, 13-21, 21-16, 15-8,

Susubukang iresbak sila nina Jude Garcia at James Buytrago sa Pool A game pagpalo kontra kina Chinese Mutailipu Abuduhalikejiang/Jiaxin Wu ngayon.

Ika-13 puwesto sina Rhovyl Verayo at Parley Tupas sa Qatar noong 2006 din. (Ramil Cruz)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on