WebClick Tracer

Tonite VISAYAS / MINDANAO

Kulto sabit sa child rape, droga

Ibinunyag ni Senador Risa Hontiveros ang isang kilabot ng kulto sa Socorro, Surigao del Norte na sangkot diumano sa iba’t ibang uri ng pag-abuso sa mga miyembro nito, kabilang ang panggahasa sa mga batang babae na kasapi nito.

Pinangalanan ni Hontiveros ang kulto na Socorro Bayanihan Services, Inc na pinamumunuan ng isang Senior Aguila.

Sa kanyang privilege speech, sinabi ni Hontiveros na kilala ang grupo sa pagiging civic organization na nagsusulong ng bayanihan sa munisipyo ng Socorro. Ngunit noong 2017, nag-iba ang anyo nito.

Nagsimula umano ang kulto noong may isang 17-anyos na bata na grinoom para maging susunod umanong tagapagligtas.

Kinumbinsi ng lider ng organisasyon na ito na si Jey Rence Quilario na ang gawing lider ng Socorro Bayanihan Services dahil siya umano ang susunod na Messias. Siya daw ang bagong Hesus at kanilang tagapagligtas.

Siya ay binigyan ng script, tinuruan paano tumindig at magsalita ng may tikas ng isang Mamerto Galanida na three term Mayor ng Socorro at 3 term na BOCAL. Pagkatapos ay idineklara ni Jey Rence sa komunidad na siya daw ang reincarnation ni Senior Santo Nino, ang kapanganakan ni Senior Agila.

Noong Pebrero 2019 niyanig ang Surigao del Norte ng isang lindol. Nakakita ng oportunidad si Senior at ang kanyang mga handlers. Sinabihan niya ang mga tao na sumama sa kanya sa bundok na ang tawag ay Kapihan dahil iyon daw ang langit. At ang hindi sumama sa kanya ay masusunog sa impiyerno.

“As a result of these statements, there was a mass exodus to the mountain by the thousands of members of the organization, now having all the indicators of a religious cult. At hindi lang po ito mga ordinaryong tao na di nakapag-aral,” pahayag ni Hontiveros.

Sabi pa ng senadora, maraming guro at mga kawani ng lokal na pamahalaan ang nagbitiw sa kanilang trabaho at sumama sa kulto. Marami ding mga mag-aaral sa elementary at high school ang hindi nag-enrol at sumama na lang sa grupo.

Ipinakita din ni Hontiveros ang video ng panayam sa mga batang inabuso tulad ni alyas Jane. Si Chloe naman ay pilit na ipinakasal at ikinulong pa sa kuwarto para piliting makipagtalik.

Sabi pa ni Hontiveros, armado at mapanganib umano ang kulto. Sa katunayan, isang menor de edad na itinago sa pangalang Renz, na nakita niya mismo ang mga armas ng kulto at nakita din niya ang sinasakong armas noong eleksiyon.

Paano po sila nagkakapera? – sub-title

Ayon kay Hontiveros, kinokolekta ng organisasyon ang halos o mahigit na 50% ng mga natatanggap na 4Ps at senior citizen pension ng mga miyembro. Kinolekta din umano ng organisasyon ang 40%-60% ng natanggap ng bawat isa ng kanilang kasapi. Ang mga natatanggap na TUPAD o AICS, ang pera ng taumbayan, napupunta sa isang kulto.

Sabi pa ng senadora, may nakalap na impormasyon na ang totoo at mas malaking source of funding ng kulto na ito ay droga.

“In fact po, kung tama ang sources, ang motibasyon kung bakit tinayo ang kulto na ito ay para maging human shield dahil nailagay sa narco-list ang pasimuno ng organization na ito na si Karren Sanico at ang kanyang dating business partner na yumaong Municipal Circuit Court Judge, na pinaslang din umano dahil sa kanyang pagkasangkot sa droga noong 2019.

Nitong Hulyo ng taong ito, walong bata ang nakatakas sa kulto at nasa kanlungan ng LGU at DSWD. Nagbuo ang Municipal Mayor ng Socorro na si Mayor Riza Timcang ng task force para gumawa ng aksyon laban sa kultong ito.

“Ngunit makapangyarihan po ang kulto and this, Mr. President, is the urgency of the issue I am talking about. Gamit ang kanilang pera at impluwensya, kinakasangkapan po nila ang mga magulang na miyembro pa nila at nagsasampa po sila ng Habeas Corpus na mga kaso para maibalik ang mga bata sa kulto,” sabi pa ni Hontiveros.

Ayon pa kay Hontiveros, minsan na umanong tumapak si Senior Aguila sa Senado.

“Si Senior Aguila mismo, ang rapist ng mga bata, ang facilitator ng child marriage – ay nakatapak pa sa ating Senado at nagpa-picture pa sa atin na mga Senador. Alam ko, hindi natin ito alam, mga colleagues. Dahil lagi naman may nagpapa-picture sa atin,” dagdag pa ng senadora. (Dindo Matining)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on