Tatlo ang sugatan nang sumalpok ang isang kotse na minamaneho ng isang miyembro ng Philippine Army sa isang tindahan sa resort sa Brgy. Tignoan, Real, Quezon nitong Linggo ng hapon.
Ayon sa report ng Real, Quezon police, pasado alas-5:00, galing din sa resort ang sundalo na si SSgt. John Rj Bombita, naka-assign sa 2nd Infantry Division, sa Camp Capinpin, Tanay, Rizal, at tinatatahak na ang national highway nang bigla nitong iwasan ang kasalubong na sasakyan.
Nawalan ito ng kontrol sa manibela at sumalpok ang kotse sa pader sa gilid ng kalsada.
Subalit nagpatuloy pa ito sa pagtakbo hanggang sa mabanggaa ang tatlong biktima na noon ay nagmemeryenda sa tindahan sa harap ng resort.
Kinilala ang nasugatan na sina Gloria Canangga, 56, resort caretaker, ang resort manager na si Cristal Kaye Recide Javana, 31, at ang seaman na si Ricky Javana, 37-anyos.
Isinugod ang mga ito sa ospital kung saan ginagamot pa si Canangga habang stable na ang dalawa pa.
Hindi naman nagsampa pa ng kaso ang tatlong biktima matapos ang silang magkasundo. (Ronilo Dagos)