Hinimok ni Senador Francis “Tol” N. Tolentino ang Department of Science and Technology o DOST na palakasin ang produksyon ng tamban, isang uri ng isda na ginagamit sa delatang sardinas na siya namang karaniwang pagkaing Pinoy.
Kung tataas nga ang produksiyon ng tamban ay maaring bumaba ang presyo ng sardinas na siyang kadalasang pagkain ng mga biktima ng kalamidad at ng masang pilipino.
Limitado ang produksiyon ng isdang tamban kapag pinaiiral ang closed fishing season na ipinatutupad ng BFAR.
Sa ginanap na budget briefing ng DOST sa Senado , sinabi ni Tolentino na dapat maidagdag ang produksyon ng tamban sa food security programs ng gobyerno.
“You have 438 ongoing projects for food security. Perhaps, you would agree with me that tamban upgrading of production is part of food security,” giit ni Tolentino sa mga opisyales ng DOST.
Dagdag pa niya: “Delata ang pagkain ng Pilipino lalo na kapag bagyo, sa mga relief operations.”
Sinabi rin ni Sen. Tol na maaaring maging halimbawa ng DOST ang pagkultura ng Dagupan at Pangasinan sa bangus fingerlings na mula sa Iloilo.
iginiit ng Senador, dapat ding palawigin ng DOST ang Balik Scientist Program para sa mga pananaliksik tungkol sa agrikultura at seguridad sa pagkain. Diin niya, ang mga Pilipinong siyentipiko ay makatutulong para sa pagbuo ng tamban fish hatchery, paggawa ng bakuna laban sa African Swine Fever (ASF), at pagpaparami ng ani ng bigas at asukal.
Ayon naman sa DOST, sa pamamagitan ng Balik Scientist Program, mayroong 625 na mga Pilipinong siyentipiko na bumalik para magsilbi sa Pilipinas nang pansamantala at pangmatagalan. May 29 porsiyento sa kanila ang tumutulong para sa pag-aaral sa agrikultura at seguridad sa pagkain.
“Dapat mabigyan natin ng muscle ang food security dahil problem natin ito for 30 years,” pagtatapos ni Tolentino.