WebClick Tracer

OPINION

Saang planeta ba nakatira si Robin?

Sa isang Senate inquiry last week, sinabi ni Senator Robin Padilla na hindi natin kailangan ang tulong ng ibang bansa para protektahan ang West Philippine Sea (WPS). Giit pa ng dating action star, wala raw anumang escalation sa pagitan ng Pilipinas at Tsina sa anim na taong pamamahala ni former President Rodrigo Duterte. Binida rin nito na alam daw niya ang sitwasyon sa WPS dahil gamit lamang ang isang bangka, napuntahan daw niya ang maraming bahagi nito. Sambit pa niya, kung nakaya daw natin sa ilalim ni Duterte na hindi humingi ng tulong sa ibang bansa ukol sa WPS, bakit daw ngayon ay hindi magawa?

Halos lahat ng nakausap ko na nakapanood kay Robin sa nasabing Senate hearing ay iisa ang tanong: taga saang planeta raw ba nakatira ang senador? Ibang iba raw kasi ang Pilipinas na kinukwento niya sa totoong kalagayan ng bansa, lalo na sa usapin ng WPS.

Una, ano ang masama kung humingi tayo ng tulong sa mga bansa na sinusuportahan ang ating historic arbitral ruling victory sa WPS? Masama ba na humingi tayo ng tulong sa iba’t ibang bansa ng mundo na very alarmed and concerned sa ginagawang agresyon ng China sa WPS, lalo na sa usapin ng freedom of navigation? Ang anumang foreign policy ng isang bansa ay nakabatay sa mutual respect, cooperation at assistance sa iba pang mga bansa. Basta’t patas ang relasyon at ugnayan, hindi masama na humingi ng assistance sa ibang bansa, lalo na kung ang ating katunggali ay isang barumbado at mananakop na nasyon na mas makapangyarihan sa atin sa maraming bagay. Senator Robin, hindi ito katulad ng mga action movies mo na mag-isa ka lang na bida kalaban ang buong barangay! Kung sabagay, parehas lang din yan ng yabang ni Duterte noon na magje-jetski raw siya sa WPS para itayo ang ating bandera. Ayon, naging probinsiya tayo ng China sa loob ng anim na taon!

Pangalawa, ano ang pinagsasabi ni Senator Robin na walang escalation sa WPS noong panahon ni Duterte? Eh ano ang tawag sa nangyaring pagbangga ng isang Chinese vessel sa Gem-Ver, ang bangka ng ating mga mangingisda, na muntik pang ikalunod ng ating mga fisherfolk sa gitna ng dagat? Ano yun Senator Robin, guni-guni lang ng ating mga mangingisda? Bukod dito, sa loob ng anim na taon ni Duterte, pinagbawalan ng China ang ating mga manginigisda na lumaot sa WPS. At ang ikinasasama pa ng loob ng ating mga mangingisda, binigyan pa ng fishing rights ni Duterte ang mga Chinese fishermen na mangisda sa ating teritoryo. Proud ka diyan, Senator Robin?

Pangatlo, sinabi ni Senator Robin na wala raw kasaysayan ng pananakop at panghihimasok ang China laban sa ating bansa. Hello?!? Hindi ba parte ng kasaysayan ang nakaraang 12 years kung saan nagtayo ang China ng mga artificial islands, military bases at iba pang infrastructure sa WPS? Tulog ba si Senator Robin noong panahong iyon?

Pang-apat, eh ano naman kung nakapunta si Senator Robin sa ilang bahagi ng WPS? Ano ang gusto niya, jacket? It doesn’t make him an instant expert on the WPS, o mas may timbang ang opinyon niya kumpara sa analyses ng mga totoong maritime experts gaya ni UP Professor Jay Batongbacal at mga WPS frontliners natin gaya ng Philippine Coast Guard (PCG). May halaga ang pagbisita sa isang lugar, ngunit kung wala kang access sa tamang impormasyon, facts at tamang pagsusuri, mauuwi ka lang sa fake news. Ako nga hindi pa ako nakakapunta sa buwan ngunit alam ko na walang gravity doon. Basic, ‘di ba? At assuming na nakapunta nga si Senator Robin sa WPS, hindi ba mas nakakalungkot dahil tila hindi siya natuto sa kanyang pagbisita?

Halata naman ang tunay na layunin ni Senator Robin sa kanyang mga hirit. Umaakmang makabayan sa usapin ng WPS ngunit nais lamang niyang depensahan ang pagiging tuta sa China ni Duterte sa loob ng anim na taon. Pumoposturang galit sa mga banyagang pwersa na nakikialam daw sa WPS, ngunit tila pipi, bulag at bingi sa pang-aabuso ng China sa ating mga mangingisda.

Kung seryoso talaga si Senator Robin na ipakita ang kanyang pagiging makabayan, imbestigahan niya ang pagkasira ng ating corals at iba pang marine resources sa Rozul Reef at Escoda shoal sa WPS sa kamay ng Chinese militia. Ayon sa PCG, may 33 at 15 na Chinese maritime militia (CMM) ang namataan sa Rozul Reef at Escoda Shoal mula August 9 hanggang September 11. Mr. Senator, tama na ang pagsusuklay ng bigote. samahan mo kahit isang buwan lang, ang ating mga mangingisda at coast guard sa ayungin shoal sa tabi ng brp siera madre. Dito mo ipakita ang pagiging action star mo!

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

OPINION

TELETABLOID

Follow Abante News on