Naiintindihan ng mga former SexBomb member na sina Aira Bermudez at Sugar Mercado ang dating kasamahang si Izzy Trazona sa nararamdaman nito sa pagkakaroon ng anak na drag queen.
Matatandaang nag-viral ang Facebook post ni SexBomb Izzy kamakailan kung saan ay inihayag niya ang kanyang damdamin sa pagkakaroon ng anak na gay.
Mahaba ang post ni Izzy at sinabi niyang mahal na mahal niya ang anak na si Andrei . Pero, mababasa rin na tila hindi siya pabor sa pagiging gay at drag queen nito.
Sumagot din si Andrei sa kanyang FB page at sinabing sana ay dumating ang araw na maintindihan din siya ng kanyang ina.
Umani ng iba’t ibang reaksyon mula sa mga netizen ang problema ng mag-ina. Bumuhos din ang simpatiya ng mga tao kay Andrei. May mga bumabatikos naman kay Izzy na bakit kailangang i-social media pa ang ganitong bagay pero mayroon din namang nauunawaan siya.
Sa nakaraang guesting nina Aira at Sugar sa “Fast Talk with Boy Abunda” ay nahingan sila ng host na si Boy Abunda kung ano ang kanilang maipapayo kay Izzy hinggil sa issue.
“Kasi si Izzy kumare ko ‘yan, mahal ko ‘yan. Meron siyang pinaninindigan at pinaniniwalaan. ‘Yung faith niya kay God, kailangan nating irespeto ‘yun at ‘yung gustong mangyari ng anak niya, kailangan din nating irespeto. ‘Yun naman lagi (ang) tinuturo sa atin,” sabi ni Aira.
Pero sana raw ay nag-usap na lang ang mag-ina at hindi na pinadaan pa sa social media.
“Sana, ‘yun lang, pagdating sa problema ng pamilya, ‘yung sinasabi natin lagi, when it comes to social media, ‘think hard before you click.’ Kasi ‘yung mga buhay natin, personal natin, hindi naman nila gustong malaman ‘yun. Sana na lang, nag-usap sila, hindi sa social media,” dagdag ni Aira.
Para kay Sugar, bilang isa ring ina, siyempre, hangad din niya ang lahat ng ikabubuti ng kanyang mga anak.
“Ako naman po, ia-ano ko rin po ‘yung pagiging nanay ko rin na siyempre, ‘pag mahal mo, kahit sino po sa atin, kung sino man ‘yung mahal natin sa buhay at lalo na’t anak mo, ‘andiyan po ‘yung iingatan mo at gusto mong mapaganda siya, ‘yung buhay niya.
“At naiintindihan ko rin po si Ate Izzy. Ang pinaglalaban naman po niya dito ‘yung Panginoon na, wala nang kahit na sino, kaya hindi ko rin po siya masisisi. Pero agree rin po ako kay Ate Aira na sana nag-usap na lang po sila,” pahayag ni Sugar.
Samantala, isa rin sa napag-usapan nila ang tungkol sa hindi malilimutang karanasan nina Aira at Sugar sa kanilang mga fans noong kasikatan ng SexBomb.
Dito ni-reveal ng dalawa na may mga pagkakataong nahihipuan din daw sila ng mga male fan.
“Kasi, ‘yung ibang fans namin, dahil mabait kami sa fans namin, tini-treat namin sila na parang pamilya at friends namin,” sey ni Aira.
“So, ‘yung iba sa kanila kasi, parang nag-take advantage. Tapos, ‘yung iba naman, nangyayari sa sitwasyon na kunyari, may performance kami, umaabot na sa hipuan, ‘yung mga ganu’n,” tsika pa niya.
Sabi naman ni Sugar, ang ginagawa raw nila, pila-pila sila at magkakayakap habang hawak ang mga bahagi ng katawan nila.
“Kaya, Tito Boy, ang ginagawa namin, naka-ganu’n kami (nakayakap sa isa’t isa) isa-isa, pila-pila kami, nakayakap, hawak namin yung mga bahagi ng katawan namin, papasok at papalabas (ng venue),” sey ni Sugar.
Ani Aira, “nagpe-perform kami for them hindi para ganunin (bastusin) nila.”