Nasagip ng awtoridad ang 123 biktima ng trafficking in person (TIP’s) sa isang isla sa Pangutaran, Sulu kung saan pinapagamit umano ng iligal na droga ang mga ito upang mas maging aktibo sa trabaho, ayon sa ulat ng Philippine Navy kahapon.
Sa ulat ni Naval Forces Western Mindanao (NFWM) Rear Admiral Donn Anthony Miraflor, nasagip ang mga biktima sa Tubulubac Island sa Barangay Aluh Bunah nitong Setyembre 19. Kasama nila sa operasyon ang Ministry of Labor and Employment ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, Women and Children Protection Center-Mindanao Field Unit, at Philippine National Police – Special Action Force. Nakatakas naman matapos makatunog sa raid si alyas Jammang, lider ng grupo, gayundin ang 15 tauhan nito.
Base sa impormasyon, karamihan sa mga biktima ay mula sa Cebu at Bohol na pinangakuan ng malaking suweldo ni “Jammang” upang magtrabaho sa kanya.
Subalit dinala sila ng suspek sa Tubalubac Island kung saan puwersahan silang pinagtrabaho at bantay sarado ng kanyang mga tauhan.
Karamihang trabaho nila ay pamamana ng mga isda at pinapagamit umano sila ng shabu upang mas sumipag. (Edwin Balasa)