Sino raw itong opisyal ng gobyerno na tinutukan ng baril matapos onsehin ang isang contractor?
Ayon sa nakalap ni Mang Teban, matakaw daw sa pera itong opisyal ng gobyerno, taliwas sa kursong pinagtapusan niya sa prestihiyosong unibersidad.
Noong makapasok kasi siya sa isang kagawaran ng gobyerno, aba’y raket agad ang inatupag matapos mangomisyon sa mga proyekto ng kanyang pinagtatrabahuan.
May ipinagawa raw building sa Metro Manila itong kagawaran at mabilis pa sa alas-kuwatro na kinausap nitong opisyal ang contractor.
Humingi raw ito ng advance o komisyon sa contractor dahil siya ang bahala sa pag-aasikaso para magtuloy-tuloy ang labas ng pondo sa proyekto. Noong nabigay na ang datung, hindi naman nagawa ng opisyal ang kanyang task sa proyekto.
Kaya noong magkita muli sila, aba’y nag-ala Clint Eastwood agad itong si contractor at tinutukan ng baril ang government official, kulang na lang ang dialogue na “Go Ahead, Make My Day!”
Muntik na raw maihi sa kanyang salawal itong government official, aba’y kung tumalak ito sa kontratista ay baka dalawin na lang siya tuwing Todos Los Santos.
Kilala kasi itong government official na mainitin ang ulo, magaspang ang ugali, at namamahiya ng ibang kasamahan sa trabaho kahit sa harap ng maraming tao.
Clue: Ang government official na muntik maihi nang tutukan ng baril ay may letrang S sa kanyang apelyido as in mahilig sa SOP.