Kitang-kita ang mga ebidensiya na hindi kayang sawatahin nang mano-mano ng LTO, MMDA at maging ng mga deputized traffic enforcer ang patuloy sa pagdami ng mga lumalabag sa batas-trapiko lalong lalo na ang mga nagmamaneho ng motorsiklo.
Bukod sa mga ito, balik din sa dating ugali na labag dito, labag doon ang mga driver ng mga pampublikong sasakyan gaya ng dyip, bus, TNVS, taxi at maging ang mga nagmamaneho ng mga traysikel.
Noong ang non-contact apprehension policy ay ipinapatupad pa, kahit paano ay nagkaroon ng disiplina ang mga nagmamaneho lalong lalo sa mga lugar na covered ng CCTV para sa monitoring ng trapiko dahil talagang kapag nakuhanan ang paglabag ng isang motorista, siguradong sa pagbabayad pa rin ng multa ang kahahantungan ng asunto niya.
Mahigit isang taon nang suspendido ang implementasyon ng NCAP na dating epektibo sa Metro Manila makaraang ito ay pigilan ng Korte Suprema Agosto noong nakaraang taon upang mabigyan umano ng mga pagkakataon na mapakinggan ang reklamo ng ilang sektor sa patakaran na ito.
Ang pagdinig ay itinakda noong Enero ng kasalukuyang taon subalit magpahanggang ngayon, wala nang narinig pa sa Kataas-taasang Hukuman kung ano na ang kanilang hatol sa patakaran na ito, kung tuluyan bang lulusawin o muling ipapatupad.
Kung ibabalik ang pagpapatupad ng NCAP, maraming problema sa trapiko ang mababawasan at ang mga ito ay kinabibilangan ng mga sumusunod; ang pagtigil nang matagal ng mga dyipni sa mga intersection para maghintay ng mananakay kahit pa may traffic light na dapat sundin, ang pagbalewala sa no loading at unloading area sa hanay ng mga pampublikong sasakyan.
Sa mga nagmamaneho naman ng motorsiklo, siguradong babalik ang kanilang disiplina sa hindi paggamit ng bike lane, pagpasok sa EDSA bus carousel at paglabas sa motorcycle lane sa mga lugar na mayroong ganitong sistema.
Hindi na rin magkakandarapa ang mga enforcer sa paghabol ng mga violator dahil sa replay sa mga video footage ay magkakaroon ang mga ito ng batayan para i-red flag ang mga motoristang lumabag sa batas-trapiko at saka na lamang pagmultahin sa pag-renew ng rehistro ng gamit na sasakyan.
Kabilang sa naging batayan ng Korte Suprema sa pag-isyu ng TRO laban sa NCAP ay ang reklamo ng ilang grupo tungkol sa umano’y paglabag nito sa karapatang pantao dahil ang panghuhuli sa violators ay dapat na isagawa mismong sandaling ito ay lumalabag.
Pero ang problema, mukhang tinulugan na ang usapin na ito kaya one to sawa na ang paglabag sa batas trapiko na nagaganap sa lansangan ng Metro Manila.