WebClick Tracer

Tonite VISAYAS / MINDANAO

Sales agent binoga habang nagmo-mobile game

Patay ang isang lalaki matapos itong barilin ng hindi pa kilalang salarin habang naglalaro ng online games sa kanyang cellphone kahapon ng madaling araw sa Mandaue City, Cebu.

Dead on the spot dahil sa isang tama ng bala sa kanyang dibdib ang biktimang nakilalang si Chris Evert Lloyd Eduria, 36, sales agent ng isang telecommunication company sa lungsod.

Sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-12:30 ng madaling araw sa Barangay Yipolo ng nabanggit na lungsod.

Nabatid na nag-iinuman habang naglalaro ng mobile games ang biktima kasama ang dalawa pa nitong kaibigan nang lapitan sila ng hindi pa kilalang lalaking suspek.

Base sa salaysay ng mga kasamahan ng biktima, tinanong umano ng suspek si Eduria kung bakit hindi pa ito natutulog habang hinuhugot nito ang baril sa beywang.

Nakita naman ng biktima ang baril ng suspek kaya sinunggaban niya ito at nagpambuno ang dalawang lalaki kung saan dalawang beses itong pumutok at tumama sa pintuan ng mga bahay sa lugar.

Matapos ang ilang sandaling agawan sa baril ay nakuha ito ng suspek sabay putok sa dibdib ng biktima.

Matapos ang pamamaril ay agad na tumakas ang suspek habang ang biktima ay nakuha pang makalayo ng ilang metro sa lugar subalit kalaunan ay bumagsak din ito at namatay.

Sa ngayon ay tinitignan na ng pulisya ang lahat ng motibo sa krimen at isa na dito ay ang personal na away ng suspek at biktima. (Edwin Balasa)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on