WebClick Tracer

OPINION

Tablado

Hindi maganda sa ekonomiya ng bansa ang suspension ng excise tax sa mga produktong petrolyo.

Ayon kay Finance Secretary Benjamin Diokno, tumataginting na P72.6 bilyong piso ang mawawala sa kaban ng bayan na lubhang kailangan sa mga “priority projects” ng administrasyong Marcos.

Giit pa ni Diokno – matapos hilingin ng mga kinatawan ng mga oil industry players at iba pang stakeholders ang panukalang suspensiyon – matindi ang magiging epekto ng panukala hindi lamang sa ekonomiya kundi ganon na rin sa kakayahan ng Pilipinas na bayaran ang pagkakautang sa ibang bansa at mga international lending organization.

Sinabi ni Diokno – chief economic manager ni PBBM – ang P72.6B na kinabibilangan ng P41.4B na excise tax at P31.2B na value-added tax – ay nakaatado na o nakasama na sa projected revenues na nakapaloob sa inaprobahang 2023 national budget.

Maliwanag lamang na kapag hindi naabot ang projected income na P72.6B na revenue collection malaking problema ito kay Diokno.

Para hindi masabon ng Presidente kung hindi maabot ang projected income ng gobyerno para sa huling bahagi ng 2023 agad isinara ni Diokno ang pintuan sa usapin ng suspension ng excise tax sa mga produktong petrolyo.

Ano ngayon ang natitirang opsiyon ng mga apektadong sektor tulad ng mga nasa publikong transportasyon?

Nariyan ang taas-pasahe.

Bagamat may ayudang ibinibigay ang gobyerno sa mga tsuper at operator na lampas P6 na libong piso, hanggang 3-araw lang ito.

Gutom ang pamilya ng mamang tsuper na may iba pang gastusin, tulad ng kuryente, tubig, upa sa bahay at bisyo.

Ang sitwasyon ng mga mamang tsuper ay kaparehas rin ng iba pang manggagawa – pabrika, manufacturing, construction at mga arawan lang ang kita.

Umaaray at hinihigpitan ang mahigpit ng sinturon, mapag-abot lamang ang kita sa loob ng isang araw.

Mabait pa rin ang Diyos sa mga Pilipino, kahit mahal ang presyo ng bigas at mga sangkap sa pagkain nakakaraos pa rin sa araw-araw.

Ang tanong nakakain pa kaya ang mga Pilipino ng sapat at masustansiyang pagkain dahil sa mataas na bilihin?

Nagtatanong lang po.

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on