Kinondena ni Boy Abunda ang diumanoý nangyaring pambabastos sa National Artist for Film and Broadcast Arts na si Ricky Lee sa book launching ni 2015 Ms. Universe Pia Wurtzbach kamakailan.
Viral kasi ang nangyaring paghawi ng isang security guard sa venue ng event sa nasabing multi-award winning screenwriter sa pakikipagkamay sa beauty queen.
Ani Tito Boy, nag-reach out na raw si Pia kay Ricky dahil nakausap niya ito sa telepono.
Gayunpaman, hindi pa raw ito nagbibigay ng kanyang pahayag dahil nasa kasagsagan si Pia ng isang fashion event sa ibang bansa nang makaugnayan niya ito.
“Nag-reach out na si Pia, even if it was not Pia’s fault, to apologize, to say sorry na nangyari ito,”ayon sa King of Talk. “Naayos na ito pero leksyon po sa atin, dahil importante na tinatrato natin [ng maayos] ang number one, seniors. Number two, this was a book fair, this was a cultural event,” dugtong pa niya.
Hirit pa niya, dapat daw ay binibigyan ng kaukulang briefing ang mga guard kapag may mga ganoong event.
“Hindi kinakailangan na senior or hindi kinakailangang National Artist. Pero kung may taong nilapitan din ni Pia, kinamayan pa ni Pia, respetuhin niya [guard] ‘yung tao at si Pia, kasi kilala ni Pia,” paliwanag niya. “Pero hindi niya kailangang hawiin kasi si Pia mismo ang lumapit at nakipag-usap. So, kawalang respeto ‘yon hindi lang sa akin kundi kay Pia. Hindi in-acknowledge ng guard na in-acknowledge ako ni Pia.”
Sa panig naman ni Ricky Lee, napansin na lang daw niya ang nasabing insidente nang ipakita sa kanya ng kanyang assistant ang nai-record sa video.
“Nagulat ako, bakit may ganitong comments. Hindi ko naman naramdaman, wala akong naramdaman na nangyari na ganoon. Siguro, hindi lang ako masyadong palapansin sa sarili,” sey ni Ricky.
Bukod kay Boy, marami namang kapuwa artist at kasamahan sa industriya ang kinondena ang ginawang pambabastos ng guard kay Ricky Lee.
(Archie Liao)