Labing-isang magkakasunod na linggo na ang pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo. Sigurado mapapailing na lang ang lahat at mapapakunot ng noo dahil wala naman tayong magawa.
Gobyerno nga walang magawa, tayo pa kaya, sabi ng ilang netizens. Sa kabuuan kasi, P17.30 na ang itinaas sa presyo ng diesel at P15.96 naman sa kerosene. Samantala, may kabuuang P11.85 naman ang itinaas sa presyo ng kada litro ng gasolina sa loob ng 10 sunod na linggo.
Hindi na nakakagulat `di ba? Sanay na kasi tayo. At isa pang siguradong magpapainit ng ulo natin ay ang pahayag ng Department of Energy na posibleng hanggang matapos pa ng Disyembre ang pagtaas sa presyo ng petroleum products.
O ayan ha, mind conditioning na sa ating lahat `yan. Ibig sabihin, sa susunod na taon pa natin mararamdaman ang pagbaba ng presyo ng gasolina. Biruin mo ha, nagbigay sila ng projection at hindi man lang naglatag ng solusyon para maibsan ang epekto ng oil prices.
Kaya nga, ano pa ang aasahan ng mga Pinoy ngayong nalalapit na ang kapaskuhan, eh `di malamang nganga lalo na sa mga ordinaryong mamamayan na tiyak na unang tatamaan ng patuloy ng pagtaas sa presyo ng petroleum products.
Kaakibat kasi niyan ang pagtaas ng inflation. Ibig sabihin, tataas ang presyo ng mga bilihin gayundin ang serbisyo. Buti sana kung sapat ang kita ni Juan dela Cruz kaso kulang na kulang lalo na’t ngayon pa lang ay ramdam na ang pagtaas ng presyo ng bilihin at isa na diyan ang bigas.
Isa sa nakikitang solusyon, ayon sa mga mambabatas, suspendihin ang excise tax sa produktong petrolyo. Pabor ako diyan at tiyak ng nakararami. Sabi ni Sen. Koko Pimentel, kailangang magbigay ang gobyerno ng lifeboat sa mga Pinoy na nalulunod na sa patuloy na pagtaas sa presyo ng krudo.
Siguro naman ramdam o naiintindihan ng gobyerno ang gravity ng sitwasyon ngayon dahil lagpas dalawang buwan na itong walang patid na pagtaas sa presyo ng gasolina. Nakakahilo na nga.
Sabi nila, P4.9 bilyon ang mawawala sa kita ng gobyerno kung suspendihin ang excise tax sa petroleum products. Pero bakit hindi gawin, pansamantala lang naman. Kung stable na ang presyo sa world market eh `di ibalik muli ang excise tax. Puwede namang irekomenda ng Kongreso kung gugustuhin.
Ang sa akin lang, ang taumbayan ang papasan ng lahat nito kasi nga may domino effect `yan dahil tataas ang presyo ng pagkain, kuryente, serbisyo at iba pang. Paano na tayo niyan?
Kaya ngayon pa lang, dapat maglatag na ang gobyerno ng solusyon para naman mapababa ang presyo ng petrolyo sa bansa. Pero parang wala naman tayong naririnig kundi puro projection na magtutuloy-tuloy pa rin ang pagtaas hanggang Disyembre. Solusyon ang kailangan, hindi projection, `di po ba?