Sina Will Ashley at Althea Ablan ang magkapareha at mga bida sa isa sa mga episode ng ‘Regal Studio Presents’. Napapanood ito tuwing Linggo ng hapon sa GMA-7.
Ayon kay Will, bilang dati na silang magkasama sa mga show. Wala na raw silang ilangan. At magkaibigan pa rin sila.
“Yung friendship po namin ni Althea, opo, nagtuloy-tuloy pero, hindi po siya same as before,” sey niya.
Ang dahilan daw, pareho na silang busy rin sa iba nilang mga ginagawa. Pero sabi rin namin sa kanya, sila naman ni Althea, walang isyu? Kasi sila ni Jillian Ward, parang may isyu?
“Opo, walang isyu, pero, wala rin naman pong issue sa amin ni Jillian. Ewan ko po kung bakit kami nai-issue, dahil hindi po kami nakikitang magkasama?”
Dito namin sinabi sa kanya na isa rin talaga sa pinag-ugatan, ang pagka-udlot ng loveteam nila. Na supposedly, kasama sila ni Jiliian na ilo-launch as Sparkle loveteam, pero last minute raw nang tila nag-back-out si Jillian?
Naapektuhan ba siya do’n?
“Bale ang management na po ang mag-decide ro’n. Ayoko na rin pong maglabas ng ibang information about do’n. Kumbaga, sa amin na lang po ‘yon dahil past na rin po.
“About sa naapektuhan po ako, siyempre, no’ng time na ‘yon, meron konti. Pero, para sa akin po, gaya nga po ng sinasabi ko lagi sa mga interview, okay rin po na ma-explore ko ang sarili ko bilang actor. Iba-ibang character.”
At pareho lang din naman daw sila ni Jillian dahil successful ang ‘Abot Kamay na Pangarap’ nito.
Blessing in disguise rin daw ang nangyari dahil nakasama siya sa ‘Unbreak My Heart’ at nakarating pa siya sa Europe.
“Opo, after po ng mga nangyari, kumbaga, nagkasunod-sunod din po ang mga projects ko. So far, ang dami ko rin pong natutunan sa iba’t-ibang shows na nagawa ko.
“At nakapunta rin po ako ng Europe, do’n kami nag-shoot. And marami-rami rin pong tao ang nakaka-appreciate sa craft ko.”
At isa nga sa ginagawa ni Will ngayon ay ang pelikula na ‘X&Y’ . Ang katambal niya ay si Ina Raymundo. Isang May-December love affair ang kuwento.
Literal na si Ina ang magbibinyag sa kanya sa pakikipag-love scene. Though, ayon kay Ina, hindi pa raw nila nagsu-shoot.
Natawa rin si Will nang pansinin namin na ang bilis ng sagot niya nang tanungin namin kung ready na ba siya?
“Opo,” mabilis niyang sagot.
“Nag-shoot na po kami two months ago. Nag-stop lang po. Pero siyempre po, first time ko pong gawin. Tapos, mas older pa at si Ms. Ina pa.”
At kahit daw ang mga kaibigan niya, napapa-“sana ako na lang ‘yan” kapag nalalaman na si Ina ang kapareha niya.