Naibalita kamakailan na gusto ni DILG Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr. na patawan ng mas mabigat na parusa ang mga jaywalker o mga tumatawid sa kahabaan ng EDSA at C-5 Road. Hirit naman ng ilang tropapips natin, sanaol pati sa mga “kamote” rider at iba pang pasaway na motorista.
Gusto nga ni Sec. Abalos na pag-aralan ng MMDA at mga local government unit (LGU) ang mungkahi niya na patawan ng mas mabigat na parusa o multa ang mga jaywalker para maprotektahan din sila.
Delikado nga naman ang tumawid sa EDSA at C-5 Road dahil sa dami ng mga sasakyan– `yan eh kung hindi trapik. Pero kung trapik, puwedeng dumaan sa bubungan ng mga kotse ang jaywalker. Iyon nga lang, baka naman malasin siya at mahagip ng sumisingit na mga motorsiklo.
Kung iniisip ni Abalos ang kaligtasan ng mga jaywalker kaya gusto niyang patawan ng mas mabigat o mas mahal na multa ang mga ito, sabi ng ilang tropapips natin, dapat daw yata eh i-request na rin ni secretary na patawan ng mas mabigat na parusa ang mga “kamote” rider at iba pang pasaway na motorista.
Kasi nga naman, ang mga “kamote” rider, hindi lang ang sarili nila ang inilalagay sa panganib, kasama na rin ang mga pedestrian na tumatawid sa kalsada. Ilan na nga ba ang mga tao na kahit tumatawid sa pedestrian lane eh nabubundol pa rin ng mga naka-motorsiklo dahil sa lagi silang nagmamadali.
Kahit si ret. Col. Bong Nebrija na hepe ng MMDA Task Force Special Operations, napa-jusko po sa viral photo ng mga “kamote” rider na `at its finest!’ dahil mantakin mong nag-counterflow sa EDSA Busway.
Ang mga kulokoy na “kamote”, dumaan sa EDSA Busway na bawal sila. At nang makita na may nag-aabang sa kanilang manghuhuli, aba’y nagbalikan kaya nakasalubong nila ang mga bus. Ang matindi, gusto pa yatang sumingit ng mga ogag. Pero hindi naman sila magkakasya dahil may concrete barrier.
Kung titingnan ang hitsura ng mga “kamote” rider, makikita sa mga mukha nila ang inis nila sa driver ng bus. Parang iniisip ng mga mokong na hindi sila pinagbigyan na makalusot. Ang masamang ugali ng Pinoy na lulusot hanggat puwedeng lumusot kahit alam naman na bawal.
Ang masaklap niyan, kung nabundol sila ng bus, kahit ang mga “kamote” ang mali, aba’y makukulong ang bus driver at hihirit ng areglo ang mga kumag. Kung patay ang “kamote”, ipasasagot ang libing, at kung naospital, magpapahati sa gastos. Gayung kung tutuusin, sila ang dapat magbayad kung may damage ang sasakyan na nabangga nila dahil sila ang may kasalanan kaya nangyari ang aksidente.
Ano kaya ang parusang ipinataw sa mga “kamote rider” na napa-jusko po si Col. Nebrija? Malamang tinekitan lang sila dahil sa pagdaan nila sa EDSA Busway. At malamang, matapos ang pangyayari, nasa kalsada at nagmomotor uli ang mga kumag. Dapat sa kanila eh pinagse-seminar.
Sabi ng ilang tropapips natin, dapat isama ni Abalos sa request niya sa MMDA at LGUs, at pati na rin sa LTO na patawan ng mas mabigat na parusa ang mga kamoterista na lantarang hindi sumusunod sa batas trapiko. Hindi sapat ang tiket at multa lang. Bakit hindi kanselahin o suspendihin ang lisensiya para magtanda at matakot ang mga gagaya sa kanila?
Hanggang ngayon, kaliwa’t kanan pa rin ang mga reklamo tungkol sa mga “kamote” rider na dumadaan sa bangketa. At may kamag-anak na rin sila–ang mga “kamote” biker na gumagaya sa kanila.
Ang nakapagtataka, parang walang paki ang mga mayor na inaagawan ng daan ang mga naglalakad sa bangketa. Bakit kaya? Dahil kamote rin sila? Sa dami ngayon ng mga sasakyan, tulad ng motorsiklo, sabi ng mga tropapips natin, dapat mas maging mahigpit ang kampanya laban sa mga driver at rider na hindi sumusunod at hindi alam ang batas trapiko, at walang disiplina sa daan. Tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.”