Anim na hinihinalang miyembro ng rebeldeng grupong New People’s Army ang nasawi sa panibagong bakbakan sa pagitan NPA at mga tauhan ng Philippine Army sa Brgy. Tabugon, Kabankalan City, Negros Occidental nitong Huwebes ng gabi.
Ayon sa report ng 302nd Infantry Brigade na nakabase sa Tanjay City, Negros Oriental sa ilalim ng 3rd Infantry Division ng Army, alas-7:30 ng gabi nang magsimula ang putukan na tumagal ng 15-minuto.
Nasabat ng mga tropa 47th IB ng Philippine Army na nakabase sa katabing bayan ng Mabinay ang grupo na sakay ng isang tricycle at nagsimula ang putukan.
Matapos ang labanan, nagsagawa ng clearing operation ang mga militar at tumambad ang anim na bangkay ng hinihinalang rebelde. Apat dito ay lalaki at dalawa ang babae.
Nakita ang bangkay ng lima sa gitna ng tubuhan samantalang naiwan ang isa na nakahandusay sa daan.
Narekober sa pinangyarihan ng engkwentro ang limang baril, 1 granada at iba pang gamit ng mga nasawi. (Ronilo Dagos)