Ni Nancy Carvajal
Patong-patong na mga kasong kriminal kabilang ang panggagahasa, assault and battery, possession of illegal drugs and paraphernalia at possession of illegal firearms ang isinampa ng National Bureau of Investigation laban sa isang hinihinalang tulak ng droga.
Kinilala ang person of interest na si Danielle Nikko Alonzo Macairan alyas Joaquin, nasa 30-anyos.
Si Macairan ay dating nobyo ng biktima kung saan nabatid na sapilitan niyang binitbit sa isang hotel sa Malate ang biktima noong Huwebes at sa loob ng kuwarto ay binugbog umano ito, tinorture at ginahasa habang tinututukan ng baril.
Nagkaroon ng pagkakataong makatakas ang 24-anyos na bihag nang lumabas ng kuwarto si Macairan kung saan agad nakipag-ugnayan ang biktima sa kanyang pamilya.
Kasama ng mga kamag-anak, sa nasabi ring araw ay humingi sila ng tulong sa NBI – Anti-Organized and Transnational Crimes Division (NBI- AOCTD).
Sa hot pursuit protocol, nagtungo ang mga ahente sa hotel sa Malate, kasama ang biktima.
Natagpuan sa loob ng silid ng hotel si Macairan at nakumpiska rito ang ilang piraso ng maliliit na baril, drug paraphernalia at iligal na droga,mmga cellphone, IDs, passport at portable weighing scale.