Sinampahan na ng kaso ng National Bureau of Investigation-Anti-Violence Against Women and Children Division (NBI-AVAWCD) sa Department of Justice (DOJ) ang naarestong human trafficker noong Setyembre 13 sa Tejeron St., Sta. Ana,Maynila.
Nabatid na kinasuhan ng paglabag sa Republic Act No. 9208 (Anti-Trafficking in Persons Act of 2003, as amended by RA 11862 in 2022) at RA 7610 (the Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act), ang suspek na si Delan Perdis o Dylhan dahil sa exploitation ng mga menor-de-edad para sa online sex trade.
Nakadetine sa NBI Jail sa Muntinlupa City si Perdis habang hinihintay ang commitment order kung saan siya ilalagak.
Tinimbrihan umano ng Destiny Rescue Philippines ang NBI kaugnay sa mga indibiduwal na sangkot sa pag-aalok ng mga menor de edad ng sexual service sa online.
Sa preliminary reports, ginagamit umano ng suspek ang social media platform partikular na ang Facebook para makakuha ng potensiyal na customer. (Juliet de Loza-Cudia)