WebClick Tracer

OPINION

Tagilid si Ted

Itinakda ng bicameral Commission on Appointments (CA) sa Setyembre 26 ang deliberasyon sa designasyon ni Teodoro Herbosa bilang Secretary ng Department of Health (DOH), tatlong araw bago mag-adjourn ang sesyon ng Kongreso.

Hahawakan ng committee on health ng CA ang confirmation hearing ni Secretary Herbosa. Sasalang din sa CA ang promosyon ng mga senior military officer.

Si Herbosa na lamang ang Cabinet secretary na hindi pa nakakalusot sa CA. Itinalaga lamang siya sa puwesto noong Hunyo 6, 2023. Kung hindi siya makakalusot, bypassed na siya dahil mawawalan ng bisa ang inisyung ad interim appointment ng Pangulo.

Kailangan niyang kumuha muli ng reappointment kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. pero kung ito ay patuloy pa rin siyang pinagkakatiwalaan. Kung hindi, babu na siya sa puwesto.

Ano ba ang mga puwedeng itanong ng mga miyembro ng CA sa nominee? Marami. Isa na nga rito ay ang graft charges nito sa Sandiganbayan kaugnay ng P392-million hospital modernization project. Kasamang nakasuhan dito si dating Health Secretary Enrique Ona at isa pang ex-DOH official.

Ang tatlo ay diskuwalipikado nang humawak sa alinmang puwesto sa gobyerno at pinababawi rin ang retirement benefits nila. Noong July 11, 2016, binanggit ng Office of the Ombudsman na may probable cause para makasuhan sina Ona, Herbosa at dating Health Assistant Secretary Nicolas Lutero III dahil sa paglabag ng Section 3(e) ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Naabsuwelto ba si Herbosa sa dati niyang kaso? Nakakuha ba siya ng clearance sa Office of the Ombudsman? Aba’y kung hindi, malaking problema ‘yan.

Tandaan natin, saan ba sumabit si ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo noong sinalang ang kanyang appointment sa CA bilang kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD)?

Naungkat din ang kaso ni Tulfo sa CA. Ito yung libel case na may pinal na hatol ng Supreme Court (SC) noong 2008. Naungkat din ang citizenship niya dahil pumasok pala ito sa US military. Itinakwil niya noon ang kanyang Philippine citizenship.

Marami pang isyung puwedeng tanungin kay Herbosa, tulad na lamang ng isinampang libel case noon ni Health Secretary at ngayon ay Iloilo Rep. Janette Garin dahil ito ang sinisisi sa pagkamatay ng mga bata sa Dengvaxia vaccine.

Isa rin ang isyu ng isinusulong nitong privatization sa Philippine Orthopedic Center. Titiba kasi rito ang pribadong korporasyon pero ang mga pobreng pasyente, mababawasan ng pagkakataon na makapagpagamot dito nang libre.

Natalakay na rin natin sa pitak na ito nang boldyahin ng DOH si Herbosa noong siya ay adviser pa lamang ng Task Force Against COVID-19. Aba’y sabihin ba naman kasi niyang puwedeng mawala ang coronavirus sa isang tao kung magtu-tuob ito. Yung mga nangangati na ang lalamunan at mauuwi sa COVID, puwede raw mag-gargle ng maligamgam na tubig at uminom ng antibiotic.

Marami pang isyu laban sa kalihim na puwedeng itanong ng sinumang miyembro ng Senate at House contingent sa CA.

Matanong ko lang, siya rin ba ang tinutukoy sa mga blind item na nagwala raw sa board meeting ng isang attached agency ng DOH? Siya ba ang nag-akusa sa isang EVP na nangongomisyon daw sa proyekto kahit walang ebidensiya? Magkakaroon lang ito ng kasagutan kapag naisalang na siya sa CA.

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on