WebClick Tracer

OPINION

Batik sa bansa

Naging mainit na usapin ang insidente ng umano’y pagnanakaw ng isang airport personnel ng $300 sa isang dayuhang pasahero na nakunan pa ng CCTV na nilunok ang pera upang hindi mabuko.

Sari-saring reaksiyon mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan dahil sa ginawa ng screening officer na pagnanakaw sa isang dayuhan.

Hindi lamang sa ahensiyang pinaglilingkuran nito lumatay ang ginawang aksiyon kundi damay din ang imahe ng bansa sa international community.

Ang sabi nga ng ibang miron, posibleng hindi lang ito ang unang pagkakataon na nangyari ito dahil may mga report na rin noon na nawawalan ang ilang mga pasahero ng pera at gamit sa inspection area.

Bagamat itinanggi ng empleyado ng Office of Transportation Security (OTS) ang paratang, hindi basta nabubura sa impresyon ng publiko at ng mga dayuhang nakapanood sa viral CCTB footage sa social media ang naging aksiyon nito.

Mismong ang Department of Tourism ay nadismaya sa nakita dahil ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang pintuan ng Pilipinas para sa mga bisitang gustong makita ang bansa pero dito pa gumawa ng hindi kanais-nais.

Isipin na lamang ang epekto nito dahil mag-iisip ng ilang beses ang mga turistang nais bumisita sa Pilipinas dahil baka sila rin ay mabiktima ng ganitong aksiyon.

Bakit ba hindi mawala-wala ang mga ganitong klaseng empleyado sa gobyerno? Akala natin ay tumino na ang mga haragan dahil kung matatandaan, noong panahon ng Duterte administration ay linggo-linggo mayroong inaanunsyong mga pangalan si dating pangulong Rodrigo Duterte na sangkot sa katiwalian.

Kung matatandaan, ipinatawag pa noon ni Duterte sa Malacañang ang mga empleyadong sangkot sa “pastillas scam” sa NAIA at matapos masibak at makasuhan ang mga ito ay natakot ang mga taga-gobyerno na gumawa ng kalokohan.

Pero heto na naman, pang-uumit naman ngayon ang sumabog na kontrobersiya sa NAIA.

Bagamat suspendido na ang screening officer at supervisor nito habang ginagawa ang imbestigasyon, dapat gumawa ng aksiyon ang Department of Transportation (DOTr) kung paano makabawi sa batik na nilikha ng insidente.

Ano mang paliwanag, sitwasyon o pinagdadaanan ng screening officer kung bakit nagawa niyang mang-umit ay hindi sapat sa epektong idinulot nito sa imahe ng bansa.

Nagsisikap ang gobyerno na makaakit ng maraming turista at dayuhang mamuhunan para umangat ang bansa pero sinisira naman ito ng ilang mga bulok na kawani ng gobyerno.

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on