Nakatanggap umano ng impormasyon ang Bureau of Customs (BOC) na may Chinese mafia sa likod ng bigas smuggling sa bansa.
Ipinahayag ito ni BuCor Director Vernie Enciso sa isang news forum na ginanap sa Quezon City nitong Sabado, Setyembre 23.
Ayon kay Encisco, kanila nang iniimbestigahan ang mga natanggap na report ukol sa sindikatong nag-ooperate umano sa pagpupuslit ng bigas.
“Either nasa side ng financing, nasa side ng distribution or nasa side ng, there are other, maraming levels kung nasaan sila present dito sa agricultural smuggling. `Yan po ang isa sa mga tinitignan ng Bureau of Customs,” paliwanag ni Enciso.
Samantala, sinabi ng BOC na nagpapatuloy ang kanilang pagsalakay sa mga kahina-hinalang bodega ng bigas sa bansa.
Mula Agosto hanggang ngayong Setyembre umano umabot na sa 236,571 sako ng puslit na bigas ang kanilang nasamsam mula sa apat na bodega sa Bulacan; 36,000 sako sa Tondo, Maynila; at 20,000 sako sa Las Piñas at Bacoor, Cavite.
Sabi ni Enciso, hindi tugma ang mga ipinakitang dokumento at aktuwal na importasyon sa mga sinalakay na bodega ng bigas.
Subalit aminado naman BOC chief of staff Atty. Marlon Agaceta na mahaba pa ang proseso para mapatunayan kung pinalusot ang mga nasamsam na bigas sa pantalan.
Masusing imbestigasyon ginagawa umano ng mga abogado ng BOC sa mga ganitong kaso bago magsampa ng pormal na reklamo upang hindi naman masayang ang pagsasampa ng kaso. (Dolly Cabreza)