Nagliwanag na kahapon ang Bulkang Taal at wala nang nakikitang fog o vog pero nananatiling isang paulit-ulit na banta pa rin ito, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Ayon kay Phivolcs Director, Dr. Teresito Bacolcol, malinaw na nakikita na ang Taal Volcano at ang vog na nag-envelope sa caldera nitong Biyernes ay nawala na ngayong Sabado ng umaga.
Gayunpaman, ito umano ay paulit-ulit pa ring banta hangga’t ang Bulkang Taal ay nagbubuga ng sulfur dioxide.
Mula alas-5:00 ng umaga nitong Biyernes hanggang alas-5:00 ng umaga ngayong Sabado, ang sulfur dioxide emission ng Taal Volcano ay may sukat na 2,730 tonelada bawat araw, mas mababa sa 4,569 tonelada bawat araw na naitala noong Huwebes, Setyembre 21.
Sa update ngayon ng PHIVOLCS, sinabi nitong walang naitalang volcanic earthquakes sa nakalipas na 24 na oras. Nasa Alert Level 1 pa rin ang Bulkang Taal.
Samantala, muling iginiit ng Phivolcs na ang Taal Volcano Island ay isang permanenteng danger zone at ang pagpasok sa isla lalo na sa Main Crater at Daang Kastila fissures ay mahigpit na ipinagbabawal.
Gayundin, hindi pinapayagan ang occupancy at boating sa Taal Lake. (Dolly Cabreza)