Mga laro ngayong araw (Linggo)
(Mall of Asia Arena)
2:00 pm – Opening Ceremony
3:00 pm – Letran vs JRU
5:00 pm – CSB vs Lyceum
Ipagkikibit-balikat ng De La Salle-College of Saint Benilde Blazers ang isang larong suspensyon laban kay last season MVP Will Allen Gozum upang isentro ang atensyon sa pagsisimula ng misyong makamit ang titulo ngayong taon kontra sa delikadong Lyceum of the Philippines University Pirates na pagbibidahan ni PBA-bound Enoch Valdez sa pinakatampok na laro sa pagsisimula ng 99th season ng National Collegiate Athletic Association (NCAA) men’s basketball tournament sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Ilalatag ng CSB BLazers ang kanilang istratehiya laban sa LPU Pirates sa main game, alas-5 ng hapon, habang hahanap ng kanilang ikaapat na sunod na kampeonato ang defending at reigning champions Colegio de San Juan de Letran Knights na sisimulan ang title run kontra season host Jose Rizal University Heavy Bombers sa alas-3 ng hapon.
“We will be out without Will Gozum but we will go out there and compete,” saad ni CSB mentor Charles Tiu, na inaasahang sasandal sa ibang beteranong manlalaro tulad nina court general Robi Nayve, Miguel Oczon, Mark Sangco, Miguel Corteza at Prince Carlos.
Asam naman ng LPU na makakuha ng panalo kontra sa Blazers na hindi nila nagampanan noong nagdaang season, kaya’t gigil ang tropa ni coach Gilbert Malabanan na malalampasan nila ang nakuhang Final Four spot at magagawang makapasok sa championship round ngayong season.
“We learned a lot from last season and we hope to continue learning this year,” wika ni Malabanan, na paniguradong pangunguhan ni Valdez na tinapik ng NLEX Road Warriors sa second-round ng 2023 PBA Draft. Makakasama ni Valdez sina McLaude Guadana, Shawn Umali at John Bravo.
(Gerard Arce)