Matatanggap pa rin umano ng 1.1 milyong sambahayan na tinanggal sa listahan ng mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang kanilang cash aid na inipit ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) simula noong 2022 dahil sa kuwestiyunableng proseso ng paglilinis sa naturang ayuda ng gobyerno.
Ito ang siniguro ng DSWD matapos na kuwestiyunin ni AGRI party-list Rep. Wilbert Lee ang ginawang pag-alis sa listahan ng mga benepisyaryo nang walang anumang abiso.
Sa deliberasyon ng Kamara kaugnay sa panukalang budget ng ahensiya para sa 2024, humingi ng paliwanag si Lee sa DSWD ukol sa nangyari na inireklamo ng mga benepisyaryo.
“Ang gusto po nating linawin: For those compliant beneficiaries na na-hold, at na-assess whether as poor or non-poor, mababayaran po ba sila retroactively; maibibigay po ba ang kanilang cash grant from 2022 or from the last time na nabigyan sila ng cash grant up to ngayong 2023?” tanong ni Lee.
Bilang tugon naman ng budget sponsor na si Negros Oriental Rep. Jocelyn Limkaichong, vice chair ng House committee on appropriations, tiniyak nitong agad na ipapamahagi ng DSWD ang unobligated cash grants na may kabuuang P68.2 bilyon sa mga inalis na compliant beneficiaries sa sandaling matapos ang ginagawang assessment gamit ang Social Welfare and Development Indicator (SWDI) na magtatapos ngayong Setyembre.
Kinumpirma rin ng DSWD na muling magbabalik ang payout simula sa Oktubre ngayong taon. (Eralyn Prado)