Mag-iisang taon na rin tayong hindi nagsusuot ng facemask kasunod ng deklarasyon ng World Health Organization o WHO na hindi na itinuturing na public health emergency ang Covid-19 pandemic.
Pero mukhang mapipilitan na naman tayong magsuot ng facemask at anumang proteksyon sa mga mata dahil sa volcanic smog o vog na dulot ng pag-aalburoto ng Bulkang Taal nitong mga nagdaang araw.
Higit na apektado nito ang mga komunidad na malapit sa Taal Volcano, kasama ang mga probinsiya ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon.
Katunayan, nahirapang huminga ang ilang estudyante at guro ng mga eskuwelahan na nakapuwesto sa mga bayan na malapit sa Bulkang Taal dahil sa volcanic smog.
Abot din hanggang Metro Manila ang vog na uri ng air pollution na sanhi ng mga bulkan. Binubuo ito ng mga pinong patak na naglalaman ng volcanic gas tulad ng Sulfur Dioxide (SO2).
Dahil may panganib ito na posibleng idulot sa kalusugan ng mga tao, agad nagkansela ng klase ang mga lokal na pamahalaan.
Ayon sa mga medical expert, mapanganib ang volcanic smog sa may mga kondisyon sa kalusugan gaya ng hika, sakit sa baga, sakit sa puso, mga may edad, mga buntis at mga bata.
Maaari rin daw itong magdulot ng iritasyon sa mga mata, lalamunan, respiratory tract na posibleng maging malubha depende sa exposure o tagal ng pagkakalanghap.
Payo ng Philvocs, iwasan ang outdoor activities. Kung wala naman daw importanteng lakad, manatili na lang sa bahay. Isara rin ang pinto at mga bintana.
Dalasan ang pag-inom ng tubig upang maibsan ang posibleng iritasyon o paninikip ng daluyan ng paghinga.
Protektahan ang sarili sa pamamagitan ng N95 facemask o gas mask. Huwag din kalimutang gumamit ng proteksyon sa mga mata para maiwasan ang eye irritation.
Inaabisuhan din ang mga residente na agad sumangguni sa doktor, nurse, o barangay health worker kung makararanas ng matinding epekto.
Importante ring laging maging alerto. Ugaliing makibalita sa sitwasyon ng Bulkang Taal para alam ang mga susunod na hakbang.