Pinatawan lamang ng Sandiganbayan ng P5,000 multa at hindi na makukulong pa ang isang kawani ng Bureau of Immigration (BI) matapos magharap ng guilty plea para sa mas mababang kaparusahan laban sa kanya kaugnay ng pagkakasangkot sa “pastillas” scam.
Base sa ulat ng Abogado.com.ph, ipinataw ng anti-graft court ang naturang multa matapos aprubahan ang plea bargain agreement sa pagitan ng akusadong si Asliyah Alonto Maruhom at ng Office of the Special Prosecutor.
Nabatid na kabilang si Maruhom sa mga BI personnel na kinasuhan ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act kaugnay ng “pastillas” scam sa mga biyaherong Chinese.
Sa naturang scam, nakakapasok sa bansa ang mga banyagang pasahero na hindi na dumadaan pa sa regular profiling o screening process kapalit ng malaking halaga.
Pagkatapos kasuhan sa Sandiganbayan, humirit umano si Maruhom ng guilty plea upang ibaba ang kaso laban sa kanya sa solicitation o acceptance of gifts na paglabag sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.
Ipinabatid naman ng Special Prosecutor sa pagdinig ng Sandiganbayan noong Setyembre 21, 2023 na tinatanggap nila ang plea bargain ni Maruhom. Pinayagan ito ng Sandiganbayan 7th Division.
Alinsunod sa plea bargain agreement, hinatulan si Maruhom ng guilty sa solicitation at acceptance of gifts. Dahil naghain siya ng guilty plea, pinatawan lamang si Maruhom ng P5,000 multa at hindi na makukulong pa.