CHINA — Bongga at makulay na binuksan ng China ang opening ng 19th Asian Games 2022 sa Hangzhou Olympic Sports Center Stadium sa Zhejiang Province nitong Linggo ng gabi.
Sina World Athletics men’s pole vaulter No. 2 EJ Obiena, 2018 Jakarta-Palembang skateboarding women’s street gold medalist Margielyn Didal ang mga flag bearer, kasama rin sa gumiya sa parada ng Team Pilipinas si Philippine Olympic Committee president Abraham ‘Bambol’ Tolentino.
May ilang mga kompetisyon na noon pang Martes nagsimula, pero pagkaraan ng seremonyas kagabi, ngayon na ang simula ng mga bakbakan sa 40 sports event kung saan 37 ang kakasahan ng mga Pinoy.
Sa pagtataguyod ng Philippine Sports Commission at Philippine Olympic Committee, sasalang na ang mga pambato ng bansa sa artistic gymnastics, beach volleyball, at boxing na pangungunahan nina Tokyo Olympics silver medalist Nesthy Petecio at bronze winner Carlo Paalam;
Chess naman ang aangklahan nina Grandmasters Darin Laylo, John Paul Gomez, Mark Paragua at Woman GM Janelle Mae Frayna.
Asinta ng PH na mapantayan, ‘di man mahigitan ang inuwing apat na gold medal mula sa 2018 Jakarta-Palembang Asiad.
(Ramil Cruz)