Ibinunyag ni Office for Transportation Security (OTS) Administrator Ma.O Aplasca na kanilang nabisto ang diskarte ng mga pasaway na empleyado ng ahensya sa loob ng Ninoy Aquino International Airport matapos kalkalin ang mga CCTV footage.
Sa panayam ng Radyo630, inilahad ni Aplasca na marami silang nirepaso na video kung saan nakita ang iba’t ibang anggulo ng insidente kung saan isang babaeng screening office ang nakitang may nilunok na pera.
“Nakita po namin na parang meron silang sabwatan with the X-ray operator,” ayon kay Aplasca.
Alinsunod sa protocol aniya, kailangan dumaan ang bagahe sa X-ray machine at isasailalim sa manual inspection kapag hindi malinaw ang nakita sa scanning.
Nasa kabilang checkpoint umano ang babaeng screening at lumipat sa kabila na parang nagsenyasan pa ng X-ray operator.
Nilinaw pa ni Aplasca na lumabas sa mga CCTV na hindi OTS supervisor ang nag-abot ng tubig sa babaeng screener. Inabot umano ang tubig ng isa pang tao sa utos ng supervisor.
Samantala, nakakita rin umano sila ng “pattern” kung paanong hinaharap ng kanilang mga kawani kapag may mga pasahero na nais magreklamo.
“Ang sagod kaagad eh `Sir, ah kung willing ba kayong maghintay. Baka maiwanan po kayo ng flight n`yo… So ibig sabihin, dini-discourage nilang mag-complain ang mga pasahero,” ani Aplasca.
Kapag may mga insidente umano na iniimbestigahan ang OTS ay sinasabi pa minsan ng sangkot na kawani na umalis na sa bansa ang nagrereklamo. Sa kabila nito, sinabi ni Aplasca na lahat ng reklamo ay kanilang iniimbestigahan kahit pa nakaalis na sa bansa ang nagrereklamo.