WebClick Tracer

NEWS

PBBM nilarga Bagong Pilipinas Serbisyo Fair

Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Sabado, Setyembre 23, ang sabay-sabay na paglulunsad ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF).

Ito ang pinakamalaking service caravan sa bansa na naglalayong magbigay ng mga pangunahing serbisyo ng gobyerno sa mga mahihirap na Pilipino sa iba’t ibang komunidad sa buong Pilipinas.

“Ang programang ito ay isa lamang sa mga unang hakbang ng pamahalaan upang magkaroon ng bagong pag-asa at bagong simula ang mga Pilipino,” pahayag ni Pangulong Marcos sa pagbubukas ng caravan sa Nabua, Camarines Sur. “Magkakahiwalay man ang ating mga isla, pinagbubuklod-buklod naman tayo ng isang diwa at isang pangarap: isang Bagong Pilipinas para sa Bagong Pilipino.”

Sabay-sabay na inilunsad ang caravan sa Laoag, Ilocos Norte para sa Luzon; bayan ng Tolosa sa Leyte para sa Visayas; at sa Monkayo, Davao de Oro para sa Mindanao, ay nagbibigay sa mga tao ng tulong medikal, pinansyal, at edukasyon.

Pinangunahan ni presidential son at Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” Araneta Marcos III ang BPSF caravan for Luzon na ginanap sa Mariano Marcos University campus sa Laoag City habang pinangunahan ni Speaker Martin Romualdez ang Visayas contingent sa Visayas State University campus sa Tolosa, Leyte.

Pinangunahan ni Special Assistant to the President Anton Lagdameo ang BPSF na ginanap sa Poblacion Monkayo, Davao de Oro.

Itinampok sa event ang flagship government program na “Kadiwa ng Pangulo,” Passport on Wheels, Driver’s License registration/assistance, National ID, Pag-IBIG Fund, National Bureau of Investigation (NBI) at police clearance applications.

Bukod sa Serbisyo Fair, nagpaabot ng tulong ang Pangulo sa mga magsasaka ng Camarines Sur. Ang Department of Agriculture, Philippine Coconut Authority, Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization, at National Dairy Authority ay namahagi ng mga tractor, harvester, hauling truck at iba pang makinarya at kagamitan sa sakahan.

Para sa mga mangingisdang Bicolano, namahagi ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ng mga pakete ng fish cage at mga motorized banca.

Namigay naman ang Department of Health ng wheelchair sa mga may kapansanan na senior citizen at mga dumaranas ng iba’t ibang karamdaman.

Sa pamamagitan ng Memorandum Circular No. 24 (s. 2023), opisyal na inilunsad ng pamahalaan ang “Bagong Pilipinas” bilang pangkalahatang tema ng tatak ng pamamahala at pamumuno ng administrasyon. Gumagamit ng halos P1 bilyong pondo, ang BPSF ay pagsasama-sama ng mga pangunahing serbisyo ng gobyerno na naglalayong maabot ang mga mahihirap na Pilipino sa iba’t ibang komunidad sa buong bansa.

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on