Halos mapugutan ang isang lalaki matapos na tumalsik ang kutsilyo nang biglang magwala ang baboy na kanyang kinakatay sa Cebu, nitong Biyernes ng umaga.
Ayon kay P/Capt. Michael Echavez ng Pilar Police Station, namatay noon din ang biktimang nakilalang si Marcelito Gontinas Lapeciros, residente ng Batang, Barangay Moabog sa bayan ng Pilar sa Camotes Group of Islands.
Sa report, bandang alas-11:45 ng umaga noong Biyernes, kinakatay umano ni Lapeciros ang isang baboy sa pamamagitan ng paghampas ng kahoy sa ulo at sa pagsaksak sa leeg nito.
Sa paniwalang patay na ang baboy ay tinantanan na ito ni Lapeciros pero bigla itong bumangon at tumakbo palayo, kaya tinangka ito ng biktima na pigilan.
Pero natamaan ng lubid ng baboy ang butcher knife at tumalsik saka eksaktong tumama sa leeg ng biktima.
Iniimbestigahan na ng mga awtoridad kung may foul play sa insidente. (Dolly Cabreza)